Pari nag-sorry kina Julie Anne at Jessica
Naglabas na rin ng official statement and Nuestra Señora del Pilar Shrine and Parish sa Occidental Mindoro kaugnay ng performance ni Julie Anne San Jose sa fundraising concert na ginanap sa naturang simbahan last October 6.
Sa naturang event ay umawit ang Asia’s Limitless Star ng “Dancing Queen” na umani ng katakot-takot na batikos.
Naglabas na ng public apology si Julie Anne hinggil sa nasabing insidente gayundin ang Sparkle GMA Artists Center.
Kasunod nito ay nag-post na rin ang simbahan ng kanilang statement tungkol dito, signed by the parish priest, Fr. Carlito Meim Dimaano.
Narito ang nilalaman ng statement:
“Buong kababaang-loob po akong humihingi ng kapatawaran sa lahat ng nasaktan mula sa mga pagkakamaling nasaksihan sa Heavenly Harmony Concert na ginanap sa Nuestra Señora del Pilar Shrine and Parish noong ika-6 ng Oktubre 2024.
“Inaamin ko pong may mga mali kaming desisyon ukol dito. Inaako ko po ang lahat ng mga pagkakamaling ito.
“Isang Secular Concert ang naganap sa loob ng Simbahan.Tinatanggap ko pong ito ay nakasakit sa damdamin ng mga mananampalataya.
“Humihingi po ako ng tawad.
“Sa mga naimbitahan po naming nagtanghal— Julie Anne San Jose at Jessica Villarubin— na nakatanggap ng mga hindi kaaya-ayang komento.
Humihingi po ako ng tawad.
“Sa aking Mahal na Obispo, Pablito Martinez Tagura, SVD, DD, humihingi din po ako tawad. Hindi ko po naingatan ang inyong pangalan dahil dito.
“Natuto po ako ng lubos sa pangyayaring ito. Kung maibabalik ko lamang po ang panahon, disin sana’y naisakatuparan ng tama at wagas ang gawaing ito na alay kay Maria.
“Ipinapangako ko pong hindi na mauulit ang nangyaring ito.”
Nirepost ni Rayver Cruz sa Instagram Story ang statement ng simbahan pati na ang pahayag ng Sparkle bilang suporta sa girlfriend.
Bukod dito ay nag-post din ng sweet message si Rayver para kay Julie Anne at sinabing mananatili siyang nasa tabi ng girlfriend.
“’Never will I leave you. Never will I forsake you.’ (Hebrews 13:5) So do I, my love. Will forever be by your side to hold you and be with you all the time. Let’s keep our faith and make it stronger. I love you so much,” mensahe ng aktor sa GF.