Pareng Mike Yatco kandidato pa din sa pagka- kongresista sa lone district ng Lungsod Biñan

February 7, 2022 Tess Lapuz-Lardizabal 850 views

Tess LardizabalNOONG ika-26 ng Enero 2022, inaprubahan ng Unang Dibisyon ng Commission on Elections (Comelec) ang petisyon na ipawalang-bisa o kanselahin ang Certificate of Candidacy (CoC) ni Micheal Gerard Thomas Ponce Yatco, mas kilala na Pareng Mike Yatco, na tumatakbo bilang kinatawan ng House of Representatives sa nag-iisang distrito ng Lungsod Binan.

Sinasabi sa resolusyon na si Pareng Mike Yatco ay nagsabi ng kasinungalingan at nagkubli ng katotohanan sa kanyang CoC dahil hindi siya rehistradong botante nuong binigay niya ang kanyang Certificate of Candidacy.

Nuong ika-31 ng Enero, naghain ng Motion for Reconsideration sa Commission on Elections En Banc na may bisa ng pagpigil sa pagpapatupad ng desisyon naman ng Unang Dibisyon ng CoC na nagpapawalang-bisa ng CoC ni Pareng Mike Yatco.

Nagkakaroon ngayon ng kalituhan sa Lungsod ng Binan kung si Pareng Mike Yatco ba ay kanidato pa din bilang Kongresista sa House of Representatives sa botohan sa darating na ika-9 ng Mayo 2022. Ayon kay Pareng Mike Yatoc:

“Malayo pa po ang laban natin. Hindi pa po final and resolusyon ng Comelec. Karapatan din po natin na isangguni yan Korte Suprema kung kailangan. Nakaligtaan lang ng ating kagalang-galang na First Division ng Comelec na may Certificate of Registration ako na Comelec mismo ang nag-issue nuong September 2, 2021, mahigit isang buwan bago ako nag-file ng COC noong October 06, 2021. Nasa balota na po ang pangalan ko. Kailangan na lang i-shade ang bilog sa May 9.”

Nahahalintulad ngayon ng mga mamayanan ng Lungsod Binan ang kaso ni Pareng Mike Yatco sa kaso ni Bong Bong Marcos (BBM) na kandidato sa pagkapangulo ng Pilipinas dahil sa Unang Dibisyon din dinidinig ang kaso nito na siya naman dating pinamumunuan ng ngayong retiradong Commissioner na si Rowena Guanzon.

Ayon kay Pareng Mike Yatco ito daw ay naghahatid ng pangamba sa iba pang mga kandidatong lokal na sumusuporta kay BBM na baka sila naman ang sunod na madiskwalipika. Marahil daw ay hindi masaya ang mga kalaban ni BBM dahil sa ipinatayo niyang dalawang malalaking karatula sa South Luzon Expressway na may larawan ni BBM, Sara Duterte at sarili niya.

Nang tanungin ng media si Atty. James Jimenez, spokesman ng Comelec, kung si Mike Yatco ba ay isa pa ring official candidate, narito ang kanyang sagot:

“Opo. Puede po iapila ang disqualification. At hanggang hindi lumalabas ang desisyon, sya ay patuloy na tinuturing na kandidato.”

Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-email sa tesslardizabal@yahoo.com.