Guo

PARATANG ITINANGGI

June 19, 2024 People's Tonight 193 views

WELCOME sa akin ang mga proceedings sa proper forum na nagchallenge sa aking citizenship at handa akong harapin ito.”

Ito ang sinabi ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo kasabay ng mariing pagtanggi niya sa mga alegasyon ni Senador Win Gatchalian tungkol sa kanyang citizenship.

Ayon kay Guo, ang kanyang tunay na ina ay si Amelia Leal at ang kanyang totoong pangalan ay Alice Leal Guo na nakasaad sa kanyang birth certificate at hindi Guo Hua Ping.

Idinagdag pa ni Guo na mayroon siyang Philippine passport na inisyu ng Department of Foreign Affairs (DFA) na pagpapatunay lamang na siya ay isang Pilipino.

Aniya, mayroon din siyang mga negosyo, personal properties at lupa sa Pilipinas gayundin ay nagbabayad ng buwis.

Sinabi pa nito na tumakbo at nanalo siya bilang alkalde sa Bamban, Tarlac, dahil siya ay isang lehitimong residente at walang dudang Pilipino.

“Kung ako ay isang Chinese citizen, bakit pa kailangang kumuha ako ng Chinese visa tuwing bibisita sa China?” pahayag ni Guo.

Binigyang-diin din ni Guo na bagamat walang direktang probisyon sa batas na nagsasaad na ang isang tao ay awtomatikong mamamayan ng bansang kanyang tinitirhan, may mga mekanismo upang maiwasan ang statelessness.

Ang Constitution ng Pilipinas at mga batas nito ay nagbibigay-diin sa pagkakaroon ng nationality base sa jus sanguinis at iba pang mga probisyon para sa pagkilala sa pagka-Pilipino.

Sinabi ni Guo na nagpapaabot siya ng kanyang pasasalamat sa mga residente ng Bamban na patuloy ang suporta sa kanyang liderato at pagpapakita ng kanilang malasakit sa kanyang kinahaharap na laban.

Aniya ay makakaasa ang kanyang nasasakupan ng kanyang dedikasyon at paglilingkod na may integridad at pagsusumikap.

AUTHOR PROFILE