PARAK TIGOK SA INIT NG ULO NG KABARO
PATAY ang isang kagawad ng pulisya habang sugatan ang dalawa pa sa naganap na barilan sa loob mismo ng kanilang tanggapan Lunes ng bago mananghali sa Taguig City.
Namatay habang isinusugod sa Medical Center Taguig si P/EMSgt. Heriberto Saguiped, miyembro ng Philippine National Police Special Action Force ‘97 at kasalukuyang nakatalaga sa Community Affairs Section ng Taguig Police, sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo.
Samantala, nasa kritikal na kalagayan si P/Cpl. Alison Sindac, nakatalaga rin sa naturang tanggapan, na nagtangka lamang umawat sa away ng dalawang kasamahan.
Sugatan din ang suspek na si P/CMS Al-Rakib P Aguell matapos na barilin naman ng isa pa niyang kasamang si P/Cpl Jestonie T. Señoron, na nakasaksi sa ginawang pamamaril ng suspek.
Batay sa ulat na tinanggap ni Taguig Police chief P/Col. Robert Baesa, dumating sa kanilang tanggapan si Aguell dakong alas-11:30 ng umaga at nagtungo kaagad sa kusina bago lumabas na bitbit na ang kanyang baril at kinompronta si Saguiped at ang utility personnel na si Nestor San Diego.
Sa gitna ng pagtatalo, binaril ni Aguell si Saguiped bago pinutukan din si Sindac na tinamaan sa ulo.
Nasaksihan ni Señoron ang pangyayari kaya’t binunot niya ang kanyang baril at pinaputukan si Aguell.
Nakuha ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang 10 basyo ng bala, isang depormadong baril pati na ang ginamit na armas ng mga sangkot sa insidente.