Default Thumbnail

Parajumpers idineploy sa crash site ng piper plane

December 7, 2023 Zaida I. Delos Reyes 113 views

MAGDE-DEPLOY ng mga parajumpers mula sa Philippine Air Force (PAF) sa crash site ng piper aircraft sa Isabela para tumulong sa search, rescue at retrieval operation, ayon sa PAF.

Sa pahayag ng PAF, sinimulan na umaga ng Disyembre 7 ang pagkilos ng dalawang search and rescue helicopters sa Brgy. Casala, San Mariano, Isabela.

“This morning, 07 December 2023, two PAF search-and-rescue helicopters, a ‘Sokol’ and Huey aircraft conducted search-and-rescue operations in the vicinity of Brgy. Casala, San Mariano, Isabela,” pahayag ng PAF.

Nagsagawa na rin ng hoist operation ang Sokol aircraft ng PAF para maibaba ang mga parajumpers at miyembro ng Bureau of Fire Protection sa lugar kung saan nakita ang wreckage ng nawawalang eroplano.

Bagamat malakas ang hangin, bulubundukin ang lugar at matataas ang mga puno, nagtagumpay ang PAF na mai-deploy ang mga parajumpers may 100 metro ang layo sa crash site.

Lumipad mula sa Cauayan Airport noong Nob. 30 dakong 9:39 ng umaga ang eroplano at nakatakda sanang dumating sa Palanan airport dakong 10:23 ng umaga subalit nawala ito.

Makalipas ang ilang araw na paghahanap, natagpuan ang wreckage.