Garcia

Papel ng PH film sector sa paghubog ng kultura, ekonomiya pinuri

February 20, 2024 People's Tonight 268 views

PINURI ni Senador Christopher “Bong” Go ang pag-apruba sa Senate Bill No. 2505, mas kilala bilang Eddie Garcia Bill, sa ikatlo at pinal na pagbasa nitong Lunes.

Ang panukalang batas na ipinangalan sa yumaong aktor na si Eddie Garcia, ay naglalayong palakasin ang proteksyon at benepisyo para sa mga nasa industriya ng pelikula at telebisyon.

Isa sa co-author ng panukalang batas, pinasalamatan at pinuri ni Go ang kanyang mga kasamahan matagumpay sa inisyatiba.

“I commend the good sponsor, Sen. Jinggoy Estrada, for his decisive pursuit to help our workers from movie and entertainment industry. Mga idol ko po ito noon, bata pa ako. I would like to congratulate Senator Robinhood Padilla who is the principal author of the measure, idol ko rin po ito noong bata pa ako,” ani Go.

Kinilala ni Go ang mahalagang papel ng film sector sa paghubog ng kultura ng bansa sa pamamagitan ng masining na pagpapahayag habang nag-aambag din sa lokal na ekonomiya.

Bilang miyembro ng Executive Committee ng Metro Manila Film Festival (MMFF), ginunita ni Go ang nakaraan niyang pakikipagtagpo kay Eddie Garcia, isang premyadong aktor at filmmaker na ang legasiya ay nagbigay-inspirasyon sa panukalang batas.

Ipinaabot ni Go ang kanyang pasasalamat kay Lilibeth Romero, ang long-time partner ni Garcia na dumalo sa pagbasa ng panukalang batas.

Bukod sa mga artista, pinuri ni Go ang katatagan din ng mga manggagawa sa industriya sa likod ng mga eksena, lalo noong panahon ng pandemya ng COVID-19. Ani Go, itinaya nila ang kanilang kalusugan upang makapaghatid ng kagalakan at serbisyo sa sambayanang Pilipino.

“Noong panahon na lumolobo pa ang kaso ng COVID-19 sa bansa, may tapang po silang hinarap ang banta ng virus sa kanilang kalusugan para makapaghatid ng serbisyo at kasiyahan sa bawat Pilipino,” ayon sa senador.

Bilang tagapangulo ng Senate committee on health and Demography, binigyang-diin din ni Go na mahalaga ring masuportahan ang kalusugan ng isip ng mga manggagawa sa industriya

Tiniyak ni Go sa mga manggagawa sa industriya ang kanyang patuloy na suporta.

“Sa aking mga kapatid sa movie and entertainment industry, asahan niyo po ang aking patuloy na suporta sa pagsusulong ng mga panukalang magbibigay proteksyon sa inyong karapatan,” pagtatapos ng senador.

AUTHOR PROFILE