Default Thumbnail

Papasok ka ba sa sinehan?

October 17, 2021 Joey C. Papa 496 views

JoeyNgayong bumaba na sa alert 3 ang restrictions sa Metro Manila, naging usap-usapan na ang pagluluwag sa maraming negosyo kasama ang mga sinehan.

Naging paksa na rin ito ng mga biruan ng magkakaibigan at magkaka-anak.

Totoo bang bumaba na ang kaso ng covid sa Kamaynilaan?

May ilang mayor nga daw ang hindi nakonsulta sa pagbababa sa Alert level 3 mula level 4. maabot pa ng walong libo (8,000) ang covid cases sa bansa ayon sa DOH. Mataas pa ito!

Ngunit parang nagmamadali ‘umanong mabuksan daw ang mga negosyo at eknomiya, kaya nagluwag sa community quarantine na naging alert level 4 na lang.

Sa mga ulat ng media, makikitang maraming mga negosyo ang hindi na rin makapagbukas kahit level 3 na dahil nalugi na sila at nawala na ang puhunan. Walang pagsisimulan muli. Naubos na ang puhunan sa upa sa puwesto ‘umano.

May kilala akong gumagawa at nagtitinda ng mga relo ang marami nang utang dahil sa kababayad niya sa upa sa kanyang puwesto. Nagtitinda na lang siya ngayon ng mga baterya ng mga relo.

Ngunit kulang yon sa pambayad sa renta niya sa maliit na puwesto. P20,000 ang bayad niya sa upa.

Ganito rin ang kalagayan ng isang sastre na may maliit na tailoring shop.

Alam kaya ng gobyerno ang ganitong kalagayan ng maliliit na manggagawa natin?

Kunsabagay, ito ngang ika-7 o walong pagtataas ng presyo ng gasolina at diesel alam na alam naman ng gobyerno ang pahirap na ito sa mga Pilipino pero parang “dedma” lang sila. Kahit ang mga mambabatas maliban lang sa ilang mga progresibo sa kanila ang tumututol ngunit nalulunod ang tinig nila ng mga … alam nyo na kung sino.

Sa alert level 3, puwede nang manood ng sine basta may face mask, malalayo ang agwat ng mga pagkakaupo at pinag-uusapan pa raw kung kailangan pa ng face mask.

Paano mauupo ang mga mag-asawa at magkasintahan? Hiwa-hiwalay muna? Galit-galit muna? Hindi muna magkakilala? Corny naman yan!

May gumagawa pa ba na pelikula ngayon para sa mga sinehan? Kikita kaya o marami kayang manonood? Magkano ang isang tiket ngayon sa sinehan?

Kung titimbangin ang kaligtasan laban sa covid 19 sa panonood ng pelikula sa mga sinehan, hindi kaya dapat mas matimbang ang kaligtasan dahil mataas pa rin ang kaso ng covid 19.

Kung may biglang masamid at naubo sa loob ng sinehan, baka magtakbuhan palabas ang mga manonood. Kung biglang may bumahin (humatsing) malamang magkagulo sa loob ng sinehan dahil gusto lahat makalabas agad bago sila mahawahan ng droplets ng kung sino man ang umubo at bumahin.

Isipin pa na air-conditioned ang loob ng mga sinehan at “enclosed” ito o saradong –sarado, hindi kaya mas mabilis ang hawahan dito lalo pa kung Delta variant ang dalang virus ng sinuman.

Di rin naman garantiya ang pagiging bakunado o fully vaccinated na upang maging ligtas dahil marami nang nagkasakit at pumanaw na kumpleto na ang bakuna.

Sabi rin ng mga sinehan na titingnan pa rin nila ang content ng mga pelikulang darating kung panonoorin ito. Baka nga naman hindi naman ito panoorin.

Ngunit dahil sa kaunti lamang ang puwedeng manood, malamang malugi lamang ang mga sinehan. Babayaran nila ang mga empleyado nila, kuryente, tubig, mga alcohol na gagamitin at mga kagamitang panlinis pagkatapos ng bawat isang screening.

Sa palagay ko’y hindi pa panahon ang pagbubukas ng mga sinehan. Unahin na lang ang higit na mahahalagang dapat buksan o yung tunay lamang na essential. Totoong mahalaga ang negosyo ngunit kailangan mapagsasabay ang pangangailang sa mga importante lamang na mga negosyo at kaligtasan mula sa covid 19 ng mga Pilipino.

Magbukas na lang ng maraming parke o liwasan! Outdoor ito at wala pang gastos. Magpicnic ang pamilya at maglinis pagkatapos kumain. Huminga ng sariwang hangin.

AUTHOR PROFILE