Direk Joel

Paolo sa ‘Lockdown,’ excellent — Direk Joel

July 14, 2021 Ian F. Fariñas 895 views

Paolo Gumabao“EXCELLENT” at perfect “10” ang ibinigay na rating ng batikang direktor na si Joel Lamangan sa baguhang si Paolo Gumabao, bida sa mapangahas na pelikulang Lockdown na mapapanood simula July 23 mula sa For the Love of Art Film.

Sa virtual mediacon kamakailan, sinabi ni Direk Joel na, “Napakahusay ni Paolo Gumabao sa pelikulang ito bagama’t siya’y baguhan, kanyang nagawa, nabigyang-buhay, nabigyang-kaluluwa ang karakter na kanyang pinu-portray. (From) one to 10, 10 siya!”

Sa Lockdown, ginagampanan ni Paolo ang papel ni Danny Asuncion, isang overseas Filipino worker na napilitang umuwi dahil sa Covid-19 pandemic.

Dahil sa pangangailangan ng pamilya at kawalan ng mapagkakakitaan sa quarantine, kakapit si Danny sa patalim sa pamamagitan ng cybersex performing.

“Lockdown will be an eye-opener for those who look down on people who are forced to sell their bodies for a living,” ani Paolo na hindi nag-atubiling gawin ang maseselang eksena dahil sa mensahe ng pelikula.

Dagdag niya, “Don’t just judge them kasi hindi n’yo naman alam ang pinagdaraanan nila. Mahirap talaga ang buhay ngayon due to the lockdown. Maraming walang trabaho. Like my character Danny, he’s pushed against the wall, sarili namang katawan niya ang binebenta niya, hindi naman siya nanghoholdap o nananakit ng ibang tao.

“Ang masama, ’yung ginawa sa akin ng pulis na talagang inabuso ako. So huwag n’yo sila basta huhusgahan, as you don’t really know them. So, people should watch Lockdown kasi lahat ng ipinakita rito is a reflection of reality, kung ano talaga ang nangyayari ngayon sa totoong buhay.”

Nagkaroon ng physical screening ang Lockdown sa Sine Pop kamakailan dahil gusto ni Direk Joel na mapanood ito sa sinehan.

“Gusto kong makita ang pelikula sa mas malaking screen. Kung ito ay isang mensahe na kailangan nang magbukas (ang mga sinehan), siguro, oo, dahil kawawa naman ang mga taga-industriya.

Wala nang trabaho, kailangan magbukas na at bumalik na ang industriya. Kung pwede nang magsimba ang 50 percent sa mga simbahan, o, di pwedeng manood nang 50 percent ang mga tao.

Pwede naman ’yon. Kung maaaring buksan sa ibang mga establisyimiento ang restaurant, pakainin ang 50 percent, 50 percent din ’yan. Kailangan, buksan na ang sinehan,” hirit ng direktor.

Anyway, nasa cast din ng Lockdown sina Alan Paule, Max Eigenmann, Ruby Ruiz, Jess Evardone, Paul Jake Paule, Angellie Sanoy at Jim Pebanco.

Ang uncut version nito ay streaming worldwide sa July 23 sa ktx.ph, Upstream.ph, RAD (iamrad.app) at WeTV.

AUTHOR PROFILE