Pantay na cash sa mga PH atleta isabatas na — Jinggoy
NANANAWAGAN si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada para sa pagsasabatas ng kanyang panukala na naglalayon na gawing pantay ang cash incentives na ibinibigay sa mga pambansang atleta, may kapansanan man o wala.
“Sa katatapos na Summer Olympics sa Paris, France, pinatunayan ng mga nagsilahok nating mga atleta na kaya nilang makipagsabayan sa mga pinakamagagaling na mga manlalaro sa larangan na kanilang kinabibilangan. Hindi malayo, lalo na kung mabibigyan ng tamang kasanayan, na magbigay din ng karangalan ang mga atletang may kapansanan na lumalahok sa international competitions,” ani Estrada.
“At kung mangyayari ito, karapat-dapat lamang na suklian natin ng kaukulang pagpupugay at pagbibigay ng insentibo ang mga atletang may kapansanan na lumahok sa mga international paralympic games,” dagdag pa niya.
Si Estrada ang pangunahing tagapagtaguyod sa Senado ng panukalang batas na nagtutulak na gawing pantay ang ibinibigay na cash incentives sa ilalim ng umiiral na batas para sa mga pambansang atleta, kasama ang mga atletang may kapansanan na makapag-uuwi ng medalya mula sa international sports competitions.
Sa ilalim ng Republic Act No. 10699, o ang “National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act,” ang mga atleta na lumahok sa katatapos lamang na Paris Olympics at nanalo ng ginto, pilak, at bronze na medalya ay makakatanggap ng P10 milyon, P5 milyon, at P2 milyon na cash incentives. Sa kabilang banda, ang mga paralympians na nakakuha ng una, ikalawa, o ikatlong puwesto sa pandaigdigang entablado ay makakatanggap lamang ng kalahati ng mga nasabing insentibo na ibinibigay sa kanilang Olympic counterparts.
“Itinataguyod ng Senate Bill No. 1442 ang pantay-pantay na pagtingin at pagsaklaw sa lahat ng mga nasa larangan ng palakasan at bigyan ng halaga ang mga natatanging tagumpay na nakamit nila mula sa mga prestihiyosong kompetisyon na nagbibigay inspirasyon sa sambayanang Pilipino,” sabi ng lider ng Senado.
Nais ng SB 1442 na inihain ni Estrada na maituwid ang pagkakaiba sa tinatanggap na benepisyong pinansyal sa ilalim ng RA 10699 ng mga pambansang atleta na nagpapakita ng parehong antas ng dedikasyon, sipag, at kahusayan sa larangan ng pampalakasan.
Iminumungkahi ni Estrada ang pagbibigay ng P2 milyon sa gold medalists sa Asian Para Games at pagtaas ng kasalukuyang P150,000 incentive sa P300,000 para sa mga makakamit ng gintong medalya sa ASEAN Para Games.
Hangad din niya na madoble ang cash incentives para sa mga silver at bronze medalists sa Asian Para Games at ASEAN Para Games mula sa kasalukuyang halaga.
“Sa mata ng batas, ang lahat ay pantay-pantay. Kung nagsusumikap tayo na mapalaganap ang kahusayan sa larangan ng palakasan, dapat pantay na pagtrato ang pairalin nating batas,” sabi ni Estrada.