Pantanbangan

Pantabangan lumutang dahil sa El Nino

April 11, 2024 Steve A. Gosuico 192 views

PANTABANGAN, Nueva Ecija–Lumitaw ang pinalubog na bayan ng Pantabangan noong 1973 na nagbigay daan para itayo ang dam sa nawalang bayan na ito.

Muling lumitaw ang mga guho ng lumang gusali ng munisipyo at lumang simbahan na umaakit ng atensyon ng mga residente at turista.

Pinalubog ng reservoir ng dam ang 3/4 na bahagi ng bayan o katumbas ng 8,100 ektarya.

“It was in 2020 na last time na lumitaw ang old town, after four years dahil sa El Niño, expected na iyon. At madami daw nagpupunta dun ngayon, nag picture-picture,” sabi ni Engr. Gertrudes A. Viado, National Irrigation Administration-Upper Pampanga River Integrated Irrigation System (NIA-UPRIIS) department manager sa Journal Group.

Sinabi niya na muling lumitaw ang mga guho ng lumang bayan matapos bumaba ang lebel ng tubig sa dam sa 174.57 metro noong Miyerkules.

“Hanggang hindi umuulan, palalim nang palalim ang water table,” saad ni Viado. Malapit nang umabot sa critical level nito na 171 meters para sa irigasyon at 177 meters naman para sa power generation ang dam.

Upang matugunan ang sitwasyon, sinabi ni Viado na may plano na ngayon ang NIA-UPRIIS na magsagawa ng cloud-seeding operations para hindi bumaba sa critical level ang tubig sa dam.

Nakatakdang ilabas para sa operasyon nito sa Mayo ang paunang pondo na nagkakahalaga ng P4.9 milyon na inilaan para sa cloud-seeding operations mula sa Bureau of Soils and Water Management.

Samantala, sinabi ni Mayor Roberto T. Agdipa na sumisimbolo ang muling paglitaw ng lumang bayan ng pag-asa, inspirasyon at sakripisyo para sa mga mamamayan ng Pantabangan.

Sinabi niya na nagsakripisyo ang mga dating residente ng lumang bayan ng kanilang mga ari-arian upang bigyang-daan ang pagtatayo ng dam noong 1973.

“Pinalubog itong lumang bayan natin dahil sa magandang layunin ng ating national government na makapagtayo ng dam na makapag-irigasyon ng palayan natin sa lalawigan at karatig-bayan at makapagbigay ng hanapbuhay sa ating mamamayan,” ani Agdipa.

Sinabi ni Emisonia Gante, municipal tourism officer, na idineklara ng lokal na pamahalaan ang old town site bilang “Heritage Zone” at naisumite na ang aplikasyon nito para sa deklarasyon bilang “Cultural Property” sa National Commission for Culture and the Arts.

AUTHOR PROFILE