Bitag

Panloloko ng mga dayuhang traders sa mga magsasaka, inilantad ni Ben Tulfo

March 28, 2025 Edd Reyes 200 views

INILANTAD ni senatorial candidate Ben “Bitag” Tulfo ang panlolokong ginagawa ng mga agricultural traders sa mga magsasaka sa panahon ng anihan.

Sa panayam ng isang television station na nakabase sa Pampanga kay Ben Tulfo, marami aniya siyang natuklasang panlilinlang na ginagawa ng mga dumadayong mangangalakal na namamakyaw ng ani ng mga magsasaka sa panahon ng anihan dahil sa kanya tumatakbo at humihingi ng tulong ang mga ito.

Inihalimbawa ni Bitag Tulfo ang pamamakyaw ng dayuhang trader ng halagang P2 milyong piso sa ani ng mga magsasaka at pakikitaan ng mga bagong P500 na nagkakahalaga ng kalahating milyong piso na galing sa bangko.

Sa oras na masilaw sa kalahating milyong cash ang magsasaka, bibigyan sila ng dalawang tseke na nagkakahalaga ang bawa’t isa ng P750,000 bilang kabuuang bayad sa P1.5 milyong kakulangan at mangangakong sa loob ng isang linggo ay puwede na nila itong i-encash.

Sabi pa ng tumatakbong senador, bogus lamang ang impormasyong ibabahagi ng mangangalakal sa kanyang katauhan at ang guarantor na ginagamit ay kanila ring kasapakat kaya sa oras na makuha na ang mga bagong ani na produkto ng magsasaka, dito matutuklasan na talbog ang ibinayad nilang tseke.

Dagdag pa niya, dapat bantayan ng mga lokal na opisyal ng pamahalaan ang mga agricultural region at paganahin ang mga municipal agricultural officers sa tulong ng mga barangay.

Kailangan aniyang maging alisto laban sa mga dumadayong traders sa mga agricultural region at mabantayan ang mga magsasaka, lalu na sa panahon ng anihan ,upang hindi sila mapagsamantalahan ng mga manlilinlang na dayuhang mangangalakal.

AUTHOR PROFILE