Default Thumbnail

Panlipunang kidlat

March 25, 2023 Magi Gunigundo 283 views

Magi GunigundoBinansagan na isang panglipunang kidlat ang pagtatalo sa pagsali ng mga transgender women sa mga isports na tradisyonal na nilalahukan ng mga biyolohikal na sinilang na babae.

Bagong hamon ito sa mga Feminista na naniniwala na ang diskriminasyon laban sa mga kababaihan ang pinagmumulan ng hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan. Ang kilusan ng Feminismo ay umani na ng malaking tagumpay sa pagbibigay sa kababaihan ng karapatan na bumoto, magtapos ng kolehiyo at pumasok sa iba’ibang propesyon na nailista ko na sa pitak na ito noon Marso 8,2023( Mabuhay ang Kababaihan!). Ngayon 2023, kapit bisig ang mga feminista at mga kalalakihan na bakuran ang isports upang ang mga biyolohikal na isinilang na babae lamang ang makakasali rito sapagkat bitbit pa rin ng mga transgender women ang biyolohikal nilang lamang bilang lalake at hindi ito makatwiran para sa kababaihan manlalaro.

Maliit pa lang ako ng tinalo noon 1973 ni Billie Jean King ang matandang kampeon ng tennis na si Bobby Riggs sa tinawag na “Battle of the Sexes” tennis tournament. Kayang talunin ng babae ang lalake sa tennis. Marahil ito ay nagsilbing inspirasyon ni Michelle Wie para sumali sa Men’s golf circuit noon 2007-2008 subalit palagi siyang bigo na umabot sa cut para sa final round ng tournament.Pinapapalo siya sa men’s tee, hindi sa mas malapit sa green na lady’s tee, at bagamat malayo ang nararating ng bola sa kanyang drive kumpara sa ordinaryong manlalaro, hindi nito madaig ang mga drive ng bola nila Tiger Woods at Phil Mickelson. Ang problema ngayon sa isports ay ang pagpasok ng isang dating lalaki sa dibisyon ng babae.

Sa Kansas, Estados Unidos, ang panukalang batas na nagbabawal sa mga transgender na atleta na sumali sa pambabaeng sports ay na-veto ni Democratic Gov. Laura Kelly sa ikatlong sunod na taon.Sinabi ng gobernador na ang panukalang batas ay makakasama sa kalusugan ng isip ng mga estudyante at “hindi ito magtataas ng anumang mga marka ng pagsusulit. Hindi ito makakatulong sa sinumang bata na magbasa o magsulat. Hindi ito makakatulong sa sinumang guro na ihanda ang ating mga anak para sa totoong mundo.”

Sa pagtatanggol sa panukala, sinabi ni Dan Hawkins sa social media na isang “social contagion” ang pagdami ng mga transgender at dapat supilin ang pagpasok nila sa isports na nilalaro ng babae upang mapanatili ang patas na kompetisyon at mga pagkakataon para sa mga batang babae at kabataang babae.

Sa paglagda niya sa Save Women’s Sports Act noon Hulyo 2022, sinabi ni Gob Kevin Stitt ng Ohio na alam natin sa biyolohiya na mas malaki ang mga baga ng lalaki, mas matigas ang kanilang buto at mas maraming kalamnan at bisig kumpara sa kababaihan kaya dinidikta ng sentido kumon na hindi dapat papaglaruin ang isang transgender woman sa mga isports na nilalahukan ng mga biyolohikal na isinilang na babae. May mga ban na sa pagsali ng transgender women sa swimming, track and field marathon. May suspetsa ako na pati sa mga beauty pageant ay maaaring maglagay na rin ng ganitong patakaran.

Sa South Africa, kailangan ni Caster Semenya, isang babae na mayroon medical condition na nagbibigay sa kanya ng napakaraming testosterone ay pinagbawalan din sumali sa marathon kung hindi siya magsasaksak ng testorone suppressant para bumaba ang kanyang testosterone level sa 2.5 nanomoles at kailangan mapanatili niya ito sa loob ng 2 taon. Hindi ito madaling gawin dahil maraming side effect ang nararanasan ng atleta. Ito rin ang katayuan ni Christine Mboma ng Namibia at Francine Niyonsaba ng Burundi na mga Olympic medalists (Eddie Pells, Associated Press, Marso 23, 2023). Patunay lamang ito na kahit tinuturing ng isang tao na siya ay babae dahil dumaan na siya sa proseso ng pagpapalit ng kasarian, hindi niya napapalitan ang laki ng kanyang baga, tigas ng buto at lapad ng kalamnan na maaaring maituring na malaking kalamangan sa isports lalo na at ang mga katunggali ay puro mga biyolohikal na babaeng manlalaro.

Kung kontak isports naman ang pag-uusapan, kitang kita ang lamang ng isang transgender woman laban sa biyolohikal na babae sa Mixed Martial Arts at Boxing. Bagamat wala pang lumalabas na pag-aaral ang mga dalubhasa kung totoo ang dinidikta ng ating sentido kumon na lamang ang transgender woman sa isports kung kalaban ang biyolohikal na babae, kailangan pa ba nating makitang mamatay sa bugbog ang babaeng manlalaro sa mga suntok at sipang ibinigay sa kanya ng isang transgender woman?

AUTHOR PROFILE