Mape Atty. Elmer Mape

PANIBAGONG ABOGADO DINEDO!

August 23, 2023 Zaida I. Delos Reyes 291 views

PATAY ang isang abogado matapos na barilin ng isang lalaki habang namamasyal sa kaniyang bukid nitong Martes ng hapon sa Villaba, Leyte.

Ang biktima ay nakilalang si Elmer Mape, 52-anyos at residente ng Barangay Poblacion Del Norte sa Villaba.

Batay sa ulat ng Philippine National Police, naganap ang pamamaril sa bukid ng biktima na matatagpuan sa Sitio Patag, Bgy. Calbugos sa Villaba.

Ayon sa ulat, namasyal sa bukid ang biktima upang mangulekta ng kanilang ani sa tanim na mais.

Gayunman, habang naglalakad ay bigla siyang nilapitan ng suspek na si Botchoy Oliverio at binaril ng dalawang beses.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang suspek habang isinugod naman sa Ormoc District Hospital ang biktima subalit hindi na ito umabot ng buhay.

Nakuha mula sa pinangyarihan ng krimen ang mga basyo ng bala mula sa caliber 9mm pistol.

Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang hot pursuit operation ng mga awtoridad laban sa tumakas na suspek.