Pangulo ng jeep drivers association dedo sa ambush

October 5, 2021 Melnie Ragasa-limena 239 views

PINAGBABARIL ng dalawang naka-motorsiklong suspek ang pangulo ng jeepney drivers association sa Barangay Unang Sigaw, Quezon City, nitong Lunes ng gabi.

Ang biktima ay nakilalang si Jessie San Jose Dela Cruz, 46, may asawa, operation manager ng UPV Trucking and Hauling Service, at residente ng No. 102 Norzagaray Road Sta. Maria Bulacan.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU, QCPD), bandang alas-8:00 ng gabi (October 4) nang maganap ang pananambang sa kahabaan ng East Service Road, Brgy. Unang sigaw, QC.

Ayon sa imbestigador na si PSSg Anthony Tejereo, pauwi na ang biktima sa kanilang tahanan sakay ng pulang Mitsubishi Adventure (NAS4945), at habang binabagtas ang kahabaan ng East Service Road, ay dinikitan ng tandem saka pinagbababaril.

Bagamat sugatan ay nagawa pa ng biktima na paandarin ang kaniyang sasakyan pero hinabol pa rin siya ng mga suspek at muling pinaputukan ng baril bago tuluyang tumakas sakay ng motorsiklo na hindi naplakahan.

Naisugod pa ng mga tanod na sina Arnel Torres at Noel Iniong ang biktima sa MCU hospital pero binawian din ito ng buhay bandang alas- 9:30 ng gabi, ayon kay Dr. Rey Paulo.

Nasamsam sa crime scene ng SOCO team sa pamumuno ni PLt. Michael Jabel ang dalawang fired cartridge cases at dalawang basyo ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril.

Nakarekober naman ang mga awtoridad ng isang Commodore cal.45 pistol na may lamang pitong bala at dalawang cartridge cases sa sasakyan ng biktima.

Masusi pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa motibo ng nangyaring pamamasalang upang matukoy ang mga salarin.