Default Thumbnail

Pangit na reputasyon ng Mayor’s Squad, naibangon sa Maynila

May 31, 2023 Edd Reyes 167 views

Edd ReyesHINDI naging maganda sa pananaw ng publiko ang ilang mga binuong Mayor’s Squad ng ilang lungsod at munisipalidad dahil ang ilan ay naging kasangkapan pa sa ilegal na gawain.

Pero may mga lungsod, tulad dito sa Maynila, na nabago ang pangit na reputasyon ng Mayor’s Squad mula nang itatag ni dating Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) na pinamunuan noon ni Lt. Col. Rosalino Ibay, Jr.

Akala nga ng marami ay ningas-kugon lang ang ipinakitang gilas ng bagong mayor’s squad sa Maynila pero nagkamali sila dahil hanggang ngayon, sa panahon ni Mayor Honey Lacuna-Pangan, napanatili ng SMaRT, sa pamumuno na ni P/Maj. Edward Samonte ang mga pagbabago sa lungsod, lalu na sa paglilinis ng lansangan laban sa mga illegal sidewalk vendors sa tulong siyempre ni Manila Police District (MPD) Director BGen. Andre Dizon.

Hindi lang yan, maging ang mga operator ng video karera machine at iba pang uri ng sugal-lupa ay hindi rin makaporma ngayon sa Maynila, maliban na lang siyempre sa mga “guerilla style”.

Pero hindi pa rin naaalis sa ilang mga bayan at lungsod sa labas ng National Capital Region (NCR) ang pangit na reputasyon ng ilang mga binuong Mayor’s Squad dahil ang ilan sa mga miyembro nito ay natutukso pa ring gumawa ng mali o abusuhin ang kanilang kapangyarihan.

May ilang indibiduwal naman na hindi naman talaga lehitimong kasapi ng Mayor’s Squad pero ginagamit ang tanggapan para gumawa ng katiwalian na kadalasan ay lingid sa kaalaman ng alkalde ng bayan o ng lungsod.

Tulad na lang ng sumbong ng ilang sidewalk vendors sa bayan ng Taytay sa lalawigan ng Rizal, na may ilan daw indibiduwal na gumagamit sa Mayor’s Squad ni Mayor Allan De Leon para sa kanilang pansariling kapakanan.

Isa raw nagtatago sa alyas “Waren” at kasamang alyas “Froy” ang gumagamit sa Mayor’s Squad upang gipitin at kikilan ang mga sidewalk vendors kaya nais nilang ipaabot sa butihing alkalde ang kanilang hinaing.

Hindi lang daw mga vendors ang ginagatasan ng dalawa kundi malakas din ang loob nilang magbigay ng proteksiyon sa nagnanais maglatag ng ilegal na sugal sa kabila ng umiiral na “one strike policy” ng kapulisan.

Ilan nga sa nabasbasan nila ang pasugal ng isang alyas “Tessie” sa Brgy. Muzon, sa terminal ng G liner at sa Brgy. San Lorenzo sa Taytay, ang pergalan nina alyas “Rambo” sa Brgy. Sta Ana Taytay at Brgy. Mayamot sa Binangonan, pati na ang inilatag na ilegal na sugal nina alyas “Rommel”, “Lito”, “Bonjing”, “Joan” at “Roy” sa Bagong Palengke sa Taytay, Brgy. Dela Paz, Brgy. Inarawan at Blue Mountain sa Antipolo at Brgy San Isidro sa Montalban.

Umaasa naman ang mga kawawang vendors sa bayan ng Taytay na kapag nakarating sa kaalaman ng alkalde at ni Rizal Provincial Governor Nini Ynares ang kanilang hinaing, tiyak anila na aaksiyunan ito ng mga opisyal lalu na’t kilalang “action man” si Mayor De Leon.

Pakikiramay sa namayapang ina ng Pangulo ng SMMPC

ISANG taos-pusong pakikiramay ang nais nating ipaabot sa aming kasamang si Celestino “Jojo” Sicat, ang Pangulo ng Southern Metro Manila Press Club (SMMPC) na pinakamalaking grupo ng mga mamamahayag sa Southern area ng Metro Manila, bunga ng pagpanaw ng kanyang inang si Vilma Ortiz-Sicat nito lamang Martes, Mayo 30, 2023.

Kasalukuyang nakaratay ang labi ni Gng. Sicat sa St. Peter Chapel, Sanctuario Divino, Molino Blvd., Bacoor, Cavite at nakatakdang ihatid sa kanyang huling hantungan sa Manila South Cemetery sa Sabado, Hunyo 3, 2023. On behalf of officers and members of SMMPC, our deepest and sincere condolences. Pareng Jojo Sicat.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE