Panghihipo ng delivery rider sa babae nahagip ng CCTV

May 25, 2021 Melnie Ragasa-limena 145 views

SINAMPAHAN ng kasong acts of lasciviousness ang delivery rider na nanghipo umano ng dalawang babaeng naglalakad sa kalsada sa Quezon City.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Station 11 commander PLtCol Elizabeth Jasmin, ang suspek na si Justin de Guzman, ay inireklamo ng 23-anyos na biktima.

Sa salaysay ng biktima sa pulisya naglalakad umano siya noong umaga ng Mayo 14 sa kalsada sa Brgy. Mariana upang pumasok sa trabaho nang madaanan niya ang suspek na nakatayo sa gilid ng kalsada at hawak-hawak ang ari nito.

Ang insidente ng panghihipo ay nahagip ng CCTV footage kung saan nang makalampas ang babae ay itinaas ng lalaki ang kanyang pantalon at zipper at saka sinundan ang biktima saka ito hinipuan sa bandang likuran.

Sa takot nang babae ay napakaripas ito ng takbo habang tumakbo na rin patungo sa kanyang motorsiklo ang suspek upang tumakas.

Nanginginig at naiiyak pa sa takot ang biktima nang dumiretso ito sa barangay upang magreklamo.

Naplakahan naman ng mga barangay officials ang motorsiklo ng suspek kaya’t natukoy ng pulisya ang pagkakakilanlan nito.

Kalaunan ay napag-alaman na may una na ring babae na nagsampa ng reklamo sa suspek dahil sa kahalintulad rin na panghihipo.