Default Thumbnail

Panggigipit sa Immigration counter

March 27, 2023 Allan L. Encarnacion 266 views

Allan EncarnacionPASENSIYA na po, hindi ko kayang manahimik at magtiis kapag masyadong nang-aapak ng kapwa niya Pilipino ang isa pang Pilipino.

Itong sunud-sunod na insidente sa ating Immigration ay isang klasikong ehemplo kung paano kayang apihin, dustahin at alipustahin ng kanyang kapwa Pinoy ang kanya mismong kalahi.

Sa ibang bansa, medyo mauunawaan mo pa at kaya mong pagpasensiyahan kapag ang Immigration officer ay parang minamaliit or ginigipit ka bago papasukin sa departure or arrival gate.

Isa ako sa may pinakamahabang pasesiya na nilalang, kaya kong palagpasin ang maraming bagay na sa tingin ko ay hindi naman kalabisan.

Pero ang sinapit ng mga kababayan natin, kasama na ang banyaga, sa “interogasyon” sa pagdaan sa ating mga immigration counter ay hindi katanggap-tanggap.

Nauunawaan natin kung ang motibo talaga ay pigilang maging biktima ng human trafficking o kaya’y illegal recruitment ang mga nasasalang sa matinding pagtatanong. Pero iba na kapag kasama sa mga hinahanap ay ang yearbook, diploma, graduation picture, wedding picture ng nanay at tatay mo at kung anu-ano pang bagay na wala naman sa dapat mong dala kapag lilipad ka sa ibang bansa.

In all fairness, marami namang magagalang at sweet na immigration officer sa NAIA 1, 2 and 3. Madalas akong makatapat ng sweet lady immigration officer kapag palabas ako ng bansa. At kahit minsan, hindi naman tayo natapat sa ego tripper na immigration officer.

Talagang hindi mo rin maiiwasang palaging may bulok sa isang tiklis ng kamatis kaya alam nating isolated lamang ang kasong dinanas ng iba nating kababayan. Pero sa kahit anong pagkakataon, hindi dapat nangyayari ito, lalo na iyong out of this world questionings.

Sa totoo lang naman, ang mga nasa front line sa Immigration ay mga dalubhasa sa profiling. Kahit nasa pila pa lamang ay nakikita na nila ang mga hindi karaniwang pasahero or mga first timer na lalabas ng bansa. Hindi naman masamang hanapan ng dokumento ang mga bibiyahe subalit dapat din siguro ay iyong dokumentong may relasyon sa kanyang biyahe.

Iyong 2-way plane ticket at hotel accommodation voucher ay puwede naman na bagama’t posible rin itong “props” lang ng ibang pasahero.

Pero majority ng mga may ganitong dokumento ay lehitimo kaya ang pagbabasehan na lamang ay ang mga kilos at sagot ng tinatanong.

Ang mabigat kasi rito, maraming mga kababayan natin ang nag-iipon ng pera mula sa kanilang pinagpawisan para kapag dumating ang bakasyon ay makapag-abroad man lang kahit sa Hong Kong, Taiwan, South Korea, Thailand, Macau, Singapore or saan mang tourist destination.

Kaya nga kapag dahil lang sa trip or kapritso ng Immigration Officer ay ma-offload sila, masasayang ang opurtunidad at iyong naipon nilang pera sa biyahe ay mauubos nang hindi nila pinakinabangan. Hindi dapat nakasalalay sa kamay ng immigration officer ang kapalaran ng mga kababayan nating gustong magkaroon ng tiyansang makapag-abroad.

Ang suggestion natin sa Bureau of Immigration ay magkaroon ng bagong polisiya. Halimbawa, ang isang pasahero na duda ka ay isulat ang kanilang mga cellphone number sa immigration card at pati na ang full address sa bansa. Kung 3 to 5 days ang trip niya, mag-designate ng immigration counter na pupuntahan niya pagbalik para mapatunayang hindi siya nag-TNT kung saan. Halimbawa, dapat sa counter 3 sila pupunta para lahat ng mga may questionable profiling ay mamonitor. Makikita na agad ng BI kapag walang return checkout sa immigration ang partikular na pasahero para ma-alert naman nila ang Philippine embassy or attache sa lugar na pinuntahan nila. Dagdag itong trabaho sa BI pero sa paraang ito ay matitiyak natin ang kaligtasan ng ating mga kababayang biktima lang or nag-TNT sa bansang kanyang pinuntahan.

Dito natin maipapakita na malasakit talaga ang lakad ng Immigration at hindi lang panggigipit.

[email protected]