Langaw

PANGASINAN INATAKE NG LANGAW

June 21, 2023 Zaida I. Delos Reyes 308 views

KALBARYO ang buhay ngayon ng mga residente sa dalawang bayan ng Pangasinan matapos na putaktihin ng langaw mula sa mga poultry ang kanilang pamayanan.

Nakaranas ng langaw attack ang 58 barangay sa Umingan at isang barangay sa Bani , Pangasinan.

Ilang residente na rin ang sumulat sa Sangguniang Bayan, sa pangunguna ni Judith de Leon, upang ipaalam ang sitwasyon at humingi ng tulong para malunasan ang problema.

Anila, sobrang pahirap na sa kanilang buhay ang mga langaw dahil sa tuwing kumakain sila ay kinakailangang bukas ang electric fan at ang iba naman ay kailangang pumasok sa kulambo.

Sa kanyang social media post sinabi ni de Leon na lubhang nakaka-alarma ang biglang pag-atake ng mga langaw sa kanilang lugar dahil posibleng magdulot ito ng sakit sa mga mamamayan.

Kaugnay nito , inatasan ni Umingan Mayor Michael Carleon Cruz sa mga may-ari ng poultry sa lugar na panatilihing malinis ang kanilang poultry upang hindi ito pamahayan ng langaw.

“We have talked with the owners and asked them to manage well their poultry farms to prevent this incident,” pahayag ng alkalde.

Gagawa din aniya ng paraan ang lokal na pamahalaan upang mabigyan ng solusyon ang problema.

Nauna rito, nakipagpulong ang alkalde sa 13 poultry farm owners sa lugar nitong June 19.