Pangangalaga ng Mental Health iprayoridad
DAHIL sa lumalalang kaso ng mga kabataang nakararanas ng problema sa kanilang mental health, nais ni Senator Jinggoy Estrada na magkaroon ng mental health offices sa bawat kampus ng state universities and colleges.
Hindi na kasi naging biro pa ang istatiska ng mga kabataang nagpapakamatay sa bansa. Nasa 404 mag-aaral ang naiulat na nag-suicide mula sa mga pampublikong paaralan nitong 2021 na nasa kasagsagan ng pandemya ayon mismo sa Department of Education sa pagdinig sa Senado.
Maliban pa sa bilang na ito ay nasa 2,147 naman ang nagtangkang magpakamatay samantalang nasa 775, 962 ang lumapit para sa guidance counseling na lubhang nakakaalarma.
Maging ang World Health Organization, ika-apat ang suicide sa pangunahing sanhi ng kamatayan ng mga kabataang nasa edad 15 hanggang 29 taong gulang.
Sa mga bilang na ito pa lamang talagang kailangan nang magulantang at umaksiyon ang gobyerno dahil ang isang buhay pa lamang ay sadyang mahalaga na, paano pa ang mahigit 400 kabataang naging biktima ng suicide?
Dahil dito ay itinutulak ngayon ni Senator Estrada ang Senate Bill 1508 na naglalayong matugunan ang lumalalang problemang ito.
Bagamat maganda ang layunin ni Senator Estrada at nais gawin ng kaniyang panukalang batas ay alam nating hindi lamang ito ang tanging solusyon sa problema. Hindi sasapat na magkaroon lamang ng mga MHO sa mga pamantasan.
Mahalagang magkaroon mismo ng mga subject na partikular para dito. Dahil mahalaga ang wastong kaalaman at edukasyon para maging mas epektibo ang itatayong MHO at higit na maunawaan ng mga kabataan ang kahalagahan ng mental health.
Sa Pilipinas, hindi pa natin masasabing bukas ang isip ng marami pagdating sa pagpapakunsulta pagdating sa mental health. Naririyan ang iisipin kaagad na kapag nagpatingin ka sa isang psychiatrist o psychologist ay baliw na agad o may problema sa pag-iisip.
Kaya marami ding kabataan ang sinasarili na lamang ang kanilang mga problema at sadyang iniiwasan ang paglapit sa mga propesyunal dahil sa maling kaisipan at kawalan ng wastong edukasyon sa mental health.
At ang problemang ito ay matutugunan lamang ng wastong edukasyon sa mga kabataan. Dahil kahit na naririyan ang mga MHO kung hindi nauunawaan mabuti ng mga kabataan ang kabuuang kahalagahan ng mental health at paglapit sa mga propesyunal ay hindi magiging epektibo ito.
Dahil ang pangangalaga sa mental health ng mga mag-aaral at kabataan ay trabaho ng buong komunidad. Malaking hakbang kung makakapasa ang batas ni Senator Estrada. Indikasyon ito na nagiging sensitibo ang ating mga mambabatas sa mga mahahalagang isyu na kailangang tugunan.
Gayunpaman, kakailanganin ng higit sa batas ang pangangalaga sa mental na kalusugan ng mga kabataan dahil isang komplikadong usapin ito at tanging mga propesyunal lamang ang maaaring makapagbigay ng magandang direksiyon dito.
Sana lamang ay mas mapalawig pa ang panukalang batas bagamat masasabi nating maganda ang nilalaman nito hindi lamang para sa mga mag-aaral kundi maging para sa buong akademya o pamantasan.
Ito ay dahil hindi lamang naman mag-aaral ang nakakaranas ng problema sa mental na kalusugan. Maging ang mga guro, kawani at administrador ng pamantasan ay kabilang dito. Ang lahat ng tao ay maaaring makaranas nito at hindi ito basta-basta pwedeng maiwasan.
Sabi nga nila, ang ating mental na kalusugan ay kasing halaga ng ating pisikal na kalusugan. Ang pinagkaiba nga lang, ang pisikal na kalusugan ay madaling makita, pero ang mental na kalusugan ay hindi basta-basta nakikita.
Ang iba, tumatawa na pero may mabigat na pinagdaraanan na pala. Lalo na sa mga kabataan na hindi pa sapat ang karanasan sa buhay para hawakan ang mga problemang dumarating sa kanila.
Good proposal ‘yan, Sen. Jinggoy! Mabuhay ka!