Pangandaman Budget Secretary Amenah Pangandaman

PANGANDAMAN INAPRUB P875M QRF NG DSWD

November 19, 2024 People's Tonight 109 views

PBBM admin tiniyak sapat na pondo para sa disaster response

BILANG pagtalima sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., inaprubahan na ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah “Mina” F. Pangandaman ang pagpapalabas ng P875 milyon para punan ang Quick Response Fund (QRF) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang pondo ay bilang pampuno sa National Disaster Risk Reduction and Management (NDRRM) Fund sa ilalim ng fiscal year (FY) 2024 General Appropriations Act (GAA).

“Alam po natin na mahalaga ang papel ng DSWD sa pag-alalay at pagtugon sa pangangailangan ng ating mga kababayan lalo’t sunod-sunod po ang nangyaring mga kalamidad. Kaya noong nag-request po sila na i-replenish ang kanilang QRF, agad po natin ‘yang tinugunan bilang pagsunod din po sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos na siguruhing may nakaantabay tayong pondo para sa anumang sakuna,” paliwanag ni Pangandaman.

Sa ilalim ng FY 2024 GAA, maaaring gamitin ang NDRRM Fund bilang karagdagang funding source sa QRF ng mga may kinalamang implementing agency kung ang kanilang pondo ay nasa 50 porsiyento o pababa na lamang, base sa pag-apruba ng DBM.

Nitong Oktubre 30, 2024, ang natitirang QRF balance ng DSWD ay wala nang 50 porsiyento sa P557.77 milyon o 31.87 porsiyento na lamang ng kasalukuyang budget ng ahensiya.

Ang pag-apruba sa kahilingan ng DSWD ay mahalaga upang maipagpatuloy ang pagbibigay ng pagtulong at recovery services sa ilalim ng Disaster Response and Management Program.

Nakalaan ang budget replenishment para sa pagbili ng mga family food packs at mga non-food Items para sa mga reserbang relief resources ng mga DSWD warehouse at pagpapanatili ng Cash for Work program sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyong Julian sa Region I.

“Malaking bagay po ang pondong ito para tuloy-tuloy na makapagbigay ng tulong ang DSWD sa mga pamilyang nasalanta ng bagyo,” diin ng kalihim ng DBM.

AUTHOR PROFILE