PANGAKO SA PNP TUPARIN
House leaders kay Duterte:
HINAMON ng dalawang pinuno ng Kamara de Representantes si dating Pangulong Rodrigo R. Duterte na tuparin ang ipinagmamalaking proteksyon at tulong sa mga pulis na nagpatupad ng madugong war on drugs campaign ng kanyang administrasyon.
Ginawa nina Deputy Majority Leader Jude Acidre ng Tingog Party-list at House quad committee co-chairman Rep. Dan Fernandez ng Laguna ang pahayag bilang tugon sa reklamo ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Francisco Marbil na hindi natupad ang mga pangako ni Duterte sa mga pulis na nagpatupad ng kanyang polisiya.
“Walk the talk. Puro daldal lang naman siya palaging, ‘ako ang bahala sa inyo,’ pero ‘yung pulis na nakabaril ng drug suspect pala ang kawawa,” ayon kay Acidre.
Saad pa ng mambabatas na may ugali ang dating pangulo na paulit-ulit na magbigay ng mga pangako na hindi naman niya tinutupad.
Ayon kay Acidre, huling pagkakataon na nagbigay ng ganitong pahayag ang dating pangulo noong Oktubre 28, nang siya ay humarap sa Senado, kung saan sinabi niyang siya lamang ang dapat managot sa legal at moral na aspeto ng kanyang marahas na anti-drug war.
“He should tell that to the ICC (International Criminal Court). Let us see what happens,” ayon kay Acidre.
Sinabi ni Fernandez na paulit-ulit na ipinangako ni Duterte na magbibigay ng mga abogado sa mga tauhan ng PNP na nagpapatupad ng kanyang kampanya laban sa droga na nagresulta sa mga extrajudicial killing (EJK).
“Napako ang mga pangako. Puro drawing lang. Mahilig kasi sa budol-budol, pati ‘yung mga pulis na naniwala sa kanyang pangako ay nabudol din,” saad nito.
“Buti pa ang Pangulong Marcos Jr., may pronouncement na bubuo ng legal team sa PNP na magbibigay assistance sa mga pulis na nahaharap sa kaso,” ayon pa kay Fernandez.
Hinimok nina Acidre at Fernandez si Marbil na gamitin ang PNP Legal Service upang tulungan ang mga pulis na nagpatupad ng kampanya laban sa droga nang may mabuting layunin at hindi dahil sa mga pabuyang perang pinansyal na iniaalok nito.
Base sa testimonya na natanggap ng quad committee, umaabot sa P1 milyon ang ibinabayad para sa bawat high-value drug suspect na napatay.
Ayon kay retired Col. Jovie Espenido, ang reward system ay pinondohan mula sa mga intelligence fund at mga kita mula sa ilegal na sugal, mga Philippine offshore gaming operator (POGO) at mga small town lottery ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na karamihan ay pinamahalaan ng mga opisyal ng PNP na malapit kay Duterte.
Sa pahayag ni Marbil kamakailan, sinabi nito na bagama’t maraming pangako ng suporta si Duterte upang tulungan ang mga tauhan ng PNP na nahaharap sa mga kaso kaugnay ng war on drugs, wala siyang nakitang pruweba na natupad ang mga pangako ng dating pangulo.
Ayon sa hepe ng PNP, mula Hulyo 2016 hanggang Hunyo 2022, sa ilalim ng termino ni Duterte, 1,286 na mga opisyal ang naapektuhan in line of duty — 312 ang napaslang at 974 ang nasugatan sa panahon ng anti-drug campaign ng nakaraang administrasyon.
Ayon kay Marbil, ang mga pulis na ito ay “nagsagawa ng kanilang mga tungkulin nang may buong dedikasyon at madalas na humarap sa malalaking panganib upang tiyakin ang kaligtasan ng publiko.”
“Many officers endured not only physical harm but also found themselves entangled in legal and administrative challenges,” ayon kay Fernandez.