CAAP

Pangako sa pagpapatibay ng aviation tinupad ng CAAP

April 4, 2025 Jun I. Legaspi 212 views

MULING pinagtibay ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang pangako sa kaligtasan sa aviation sa pagsasagawa ng ika-anim na Approved Training Organization (ATO) Summit noong Abril 3-4, 2025 sa Pasay City.

Dinaluhan ng mga pangunahing kinatawan mula sa mga Flight Training Organization (FTO) at Maintenance Training Organization (MTO) ang dalawang araw na pagtitipon upang palakasin ang pagsunod sa regulasyon, pagbutihin ang mga hakbang sa kaligtasan at paigtingin ang kahusayan sa operasyon ng aviation training sector.

Kabilang sa mga tinalakay sa summit ang pagsunod ng MTOs sa mga patakaran, kabilang ang proseso ng lisensya, sertipikasyon at inspeksyon na isinasagawa ng Flight Standards Inspectorate Service (FSIS).

Binigyang-diin din ang pangangailangan para sa isang sentralisadong komunikasyon sa pagitan ng mga sangkot na ahensya.

Para naman sa mga FTOs, natalakay ang mga usapin hinggil sa lisensyahan ng mga piloto, ang mas episyenteng pagsumite ng Flight Plan para sa Visual Flight Rules (VFR) operation at ang pagpapalakas ng mga mekanismo sa safety reporting.

Inilunsad rin ng CAAP ang bagong Audit Surveillance Plan na layuning paigtingin ang pagmamatyag sa pagsunod sa mga alituntunin.

Nagkaroon rin ng breakout session para sa mga accountable manager kung saan tinalakay ang mga hamon at pagsunod sa mga patakaran sa aviation flight training.

Sa kabuuan, pinagtibay ng CAAP ang kanilang dedikasyon sa pagpapanatili ng pinakamataas na pamantayan sa pagsasanay at kaligtasan sa larangan ng aviation, kasabay ng patuloy na pagsulong ng industriya ng himpapawid ng Pilipinas sa pandaigdigang entablado.

AUTHOR PROFILE