Default Thumbnail

Panay blackout: NGCP nga ba ang may kasalanan?

January 10, 2024 Allan L. Encarnacion 306 views

Allan EncarnacionNagkakaturuan na naman sa nangyaring power outage sa Panay Island.

Kapag papakinggan mo ang mga pulitiko, agad na itinuturo ang NGCP o National Power Grid Corporation na siyang may kasalanan.

Kapag technical ang usapan, mas magandang pakinggan ang mga technical expert para hindi tayo basta lulundag na lang sa sinasabi ng mga pulitiko.

Tama rin naman na ang NGCP ang namamahala sa transmission ng kuryente sa buong bansa pero hindi puwedeng sabihin agad na sila na ang may pagkakasala sa nangyari.

Kailangang maliwanag na ang NGCP ay parang naglatag ng tubo para daluyan ng lahat ng kuryente na ang gumagawa naman ay ang power producers.

Ang Panay provinces, kasama na ang Antique, Roxas and Aklan at Guimaras Island ay dumanas ng kawalan ng kuryente. Maging ang Iloilo ay tinamaan din ng blackout.

Sa paliwanag ng NGCP, ang sanhi ng pagkawala ng kuryente ay dahil sa biglang isinailalim sa maintenance procedures ng mga power producers ang kanilang planta nang walang skedyul at walang abiso.

Ibig sabihin, kung nakalatag ang daluyan ng kuryente ng NGCP, walang dumaan na power doon kasi nga iyong responsable sa paggawa ng kuryente ay biglang tumigil ng operasyon.

Maraming mga techical issue dito na kahit isulat natin ay hindi rin malulunok ng ating mga kababayan. Ang totoo, isang simpleng komunikasyon lang naman ang naging problema rito para sana naagapan ang massive brownout. Iyong magpapaalam lang naman, magsasabi lang naman in advance sa NGCP ang mga power producers na may reretokehin silang planta sa ganitong petsa at tatagal ng ganitong mga oras at araw.

Sa ganitong paraan, una, maabisuhan ang mga maapektuhang lugar, pangalawa, mami-minimize ang damage dahil tiyak naman na magagawan ng paraan ng NGCP ang mga “temporary measures” na makakasapo sa mawawalang kuryente sa dadaan sa kanilang tramission line.

Kung idadagan natin ang lahat ng sisi sa NGCP, sabi nga sa Ingles, “we are barking up the wrong tree.” Pasagutin muna natin ang mga power producers kung bakit sila biglang hindi magpapadaloy ng kuryente nang walang abiso at walang sa plano.

Sa mga susunod na araw, magkakaroon na naman ng imbestigasyon sa nangyari. Para kong nakikitang kuyog na naman ang aabutin ng NGCP gayong ang dapat hingian ng paliwanag ay ang mga power producers.

Para sa mas madaling paliwanag, may ginawang tulay ang NGCP mula sa A papunta sa B. Habang dumadaan ang mga tatawid, biglang inalis ng power producers ang tukod na sila ang may obligasyon. Hayun, nahulog ang mga tumatawid gayong puwede namang hindi nangyari kung sinabihan lang ang NGCP sa plano nila para nakagawa ng paraan at nang hindi mahulog ang mga tatawid.

Simple lang sana ang problema, pinahirap lang ng kawalang koordinasyon mula sa mga power producers!

[email protected]