Panawagan sa Optical Media Board
GUSTO nating tawagan ng pansin si Optical Media Board (OMB) chairman Christian Natividad.
Isang report kasi ang ating natanggap hinggil sa kuwestiyunableng raid na isinagawa ng ilan nilang tauhan sa isang gusali sa Divisoria, Manila nito lamang nakalipas na Sabado ng tanghali.
Ang catch, isang malaking box na punung-puno ng USB at P150,000 cash ang diumano’y sinamsam ng grupo ng OMB na mahalagang maipaliwanag upang hindi sila mahusgahan na uso na rin ang Akyat Bahay Gang sa naturang ahensiya.
Bitbit ang isang ‘confidential letter’ na may letterhead at logo ng OMB, pinasok ng pitong tauhan ni Natividad ang Sunjoy Tower 3 sa 500 Lavezares St., corner Sto. Cristo, San Nicolas, Divisoria ng nasabing lungsod.
Nakasaad sa sulat ang isang ‘Routine Inspection,’ bilang bahagi umano ng kampanya ng pamahalaan laban sa mga counterfeit products, lalo na ang mga unlicensed optical media at iba pang ipinagbabawal na gadget base sa itinatadhana ng Republic Act No. 9239 at Memorandum Circular No. 2018-002.
Nakalagay din sa naturang dokumento na dapat ay samahan ng sinumang security personnel Inspectors’ Agent ng OMB sa gagawing paghalughog sa puwesto.
Anumang hindi pakikipag-kooperasyon na gagawin ng may-ari ng establisimento ay maaring maparusahan sa itinatadhana ng Republic Act 9239 na may kulong na isang taon hanggang tatlong taon at may multa rin na P150,000.
Pirmado ang OMB paper ng isang nagngangalang Manuel Mangubat, hepe ng EID ng nasabing ahensiya.
Ang unang tanong, pinasok ng OMB personnel ang bodega sa 17th floor nang walang anumang testigo mula sa security personnel. Nang dumating ang ilang barangay officials para sana maging saksi rin sa pagsisiyasat ay nakuha na ng mga taga-OMB ang malaking box ng USB at umano’y perang nawawala at doon nila sinabi na wala nang dapat pag-usapan.
Nagtatanong ang mga negosyanteng dumulog sa atin kung tama ba ang ginawang basta na lamang haluglugin ng mga taga-OMB ang isang bodega nang wala man lamang bitbit na search warrant?
Ayon sa nagrereklamo, walang problema sa kanila kung dumaan sa tamang proseso ang ginawang paghalughog ng mga tauhan ng OMB. Ang kaso, walang sinama na kahit isang security personnel sa gusali nang pasukin ang isang bodego sa 17th floor.
Hindi rin umano nagpakita ng anumang identification card ang mga taga-OMB at sa halip ay isang BIR-ID ang iniwan ng isa sa mga ito na ang nakalagay na pangalan ay Alexander Torres Cruz.
Ang masaklap, basta na lamang pinasok ng taga-OMB ang target na bodega at kinuha basta-basta ang isang malaking kahon na punung-puno ng USB.
Alam nating lahat na maliit na ‘gadget’ lamang ang isang USB at kung ilagay ito sa isang malaking kahon, nasa daang bilang na piraso ito na nagkakahalaga rin ng daang libong piso.
Ang nakapagtataka, hindi ba mga pirated cd at DVD lamang ang puntirya ng mga taga-OMB? Bakit pati USB? Napatunayan ba nilang may laman ito ng mga sensitibong pelikula? Eh pano kung puro bago ang USB?
Ibig bang sabihin, bawal na rin ang mag-imbak ng USB?
Kitang-kita sa CCTV ang galaw ng mga taga-OMB. Inangat din umano ng isa sa mga ito ang kamera ng CCTV sa hindi malamang dahilan.
Ayaw nating bigyan ng malisya ang ginawa ng mga taga-OMB. Kaya nga nananawagan tayo kay Chairman Natividad na sana’y mapaimbestigahan ito nang maayos at maipaliwanag sa madla kung tama ba ang ganitong uri ng ‘operasyon.’
Baka kasi hindi niya nalalaman na may ganitong uri ng galaw ang ilan niyang tauhan at mapahamak pa nang husto ang buong OMB.
Para maging malinaw ang lahat, nakahanda po ang inyong lingkod na isulat rito ang anumang sagot, tugon, komento, reaksiyon at depensa ng mga taga-OMB.
Siyangapala, Chairman Natividad, Sir. Naiwan daw po ni Mr. Torres Cruz ang kanyang BIR-ID sa security guard ng gusali. Puwede nya po itong balikan, kung gusto n’ya po.