Default Thumbnail

Panawagan ni Senator Robin Padilla: Buksan ang isipan sa medical marijuana

September 29, 2022 Marlon Purification 805 views

Marlon PurificationDESIDIDO si Senator Robinhood ‘Robin’ C. Padilla na isulong ang medical marijuana sa bansa.

Sa privilege speech, sinabi ni Padila na kung bukas ang ating kaisipan sa produktong pang-libangan tulad ng alkohol na maaaring may side effects, bakit hindi sa produktong may benepisyo sa kalusugan at may side benefits sa ekonomiya – tulad ng medical marijuana?

Sagot ito ng senador sa patuloy na pagtutol ng ilang grupo upang maging legal ang compassionate na paggamit ng medical cannabis (marijuana).

“Gaano pa po karaming pagkakataon ang ating palilipasin? Hanggang kailan pa po natin isasara ang ating pinto para sa medical cannabis samantalang bukas tayo sa iba pang nakapamiminsalang produktong panlibangan lamang?” aniyang senador na action star.

Pinunto ni Padilla na maraming Pilipino – kabilang ang mga bata – ang nagtitiis sa epekto ng mga kondisyong medikal tulad ng seizure disorder at epilepsy at sa side effect ng synthetic na gamot para sa kanilang mga sakit.

Bukod dito, marami ring potensyal na benepisyong pang-ekonomiya ang dulot ng non-psychoactive na parte ng halamang species ng marijuana sa paggawa ng mga halos 25,000 na iba’t-ibang produkto tulad ng papel, pera, lubid, tela, at pati na ang biofuel, laundry detergent, automobile construction parts, beauty products, hemp protein powders, hemp milk, hemp coffee and milk, particle board biodegradable plastic, paint at insulation.

Maaari ring ma-convert ang hemp upang maging diamond at graphene – isa sa mga materyal na ginagamit sa iba’t-ibang industriya tulad ng electronics, bioengineering at energy.

“Kung magkakaroon lamang po ng pagkakataon ang mga ganitong uri ng teknolohiya dito, nasisiguro kong malaki ang magiging tulong nito sa ating pag-unlad bilang isang bansa,” giit ni Padilla.

“Kung susumahin po, wala tayong talo. Bagkus, napakadami nating makukuhang benepisyo,” dagdag nito.

Nguni’t hanggang ngayon, aniya, “hindi natin mapalawak ang paggamit ng hemp dahil sa ‘stigma’ – dahil lamang kasama ito sa pamilya o species ng marijuana.”

Sa kabilang dako, ani Padilla, 88,000 ang naitalang bilang ng mga namatay na may kaugnayan sa consumption ng alkohol noong 2010, samantalang wala pa pong naitalang namatay dahil sa overdose sa marijuana.

“Bagamat ang alkohol ay itinuturing na isang public health problem, 40% pa rin po ng ating mga kababayang Pilipino ang umiinom ng alak sa bansa. Ang ating pang-araw araw na karanasan ang magpapatunay ng mga masamang dulot ng sobra-sobrang alak sa katawan ng isang tao. Sabi nga po ng National Council on Alcoholism and Drug Dependence Inc., malaki rin ang papel na ginagampanan ng alkohol sa komisyon ng mga krimen at ibang pang mga problema ng lipunan,” aniya.

“Alam po natin na ang sakit sa kalingkingan ay ramdam ng buong katawan. Tulad po sa ating bansa, damang-dama natin ang hirap at pasakit ng ilan sa ating mga kababayan. Ngunit kung gaano po tayo hirap na hirap na magbukas ng ating pinto sa paghahanap ng ‘lunas,’ tila ganoon naman po kadali sa ating yakapin ang mga produktong nagdudulot ng mas kapahamakan sa taumbayan,” dagdag ng mambabatas.

Sa ganang akin, walang masama sa panukalang ito. Maraming bansa na ang ginagawang legal ang marijuana. Nagiging masama lang naman talaga ang paggamit nito kung sobra — at lahat ng bagay ay sobra.

Marami na tayong kakilala na ang kanilang pamilya o kaanak na ‘terminally ill’ dahil sa sakit na cancer ang naiibsan ang paghihirap ng isang pasyente dahil sa marijuana.

Malaking tulong ito para sa ‘pain management’ ng isang pasyente, gayundin ang pagpapadagdag ng appetite at pahinga ng kanilang kaisipan.

Nakalulungkot na ginagawa ito ng patago, gayung dapat ang lahat ng tao, lalo na ang may malulubhang sakit ay nararapat bigyan ng tinatawag na ‘quality of life.’

Sa kabilang dako, naniniwala rin tayong maaring magamit ito sa masama. Ngunit tulad ng pagpapabawal ng paggamit ng sigarilyo sa pampublikong lugar, usapin ng law enforcement ang makakasagot nito na kinakailangan naman ng isang masinsinang ‘political will.’