Panawagan kina PRO3 Chief Gen. Matthew Baccay

April 23, 2022 Marlon Purification 113 views

Marlon PurificationGUSTO nating irekta ang panawagang ito kina Police Regional Office (PRO) 3 chief Gen. Matthew Baccay at Bulacan Police acting Provincial Director Col. Rommel Ochave.

Upang sila na mismo ang kumalabit kay Lt. Col. Allan Palomo, hepe ng San Jose del Monte City, Bulacan.

Marami na kasi tayong naririnig na reklamo tungkol sa paglipana ng kriminal sa nasabing lungsod.

Isa sa reklamong ating natanggap ay nang holdapin ang tourism student na si Lloyd Jewel dela Torre, 22, residente ng San Jose City.

Si Lloyd ay anak ng aming veteran DILG reporter na si Joel dela Torre.

Naganap ang panghoholdap sa biktima noon pang April 10 sa Minuyan proper ng lungsod.

Sakay si Lloyd ng pampasaherong jeep nang maghayag ng holdap ang isang suspect.

Tinangka ng driver ng jeep na pabilisin nito ang pagharurot ng sasakyan, ngunit siya ang pinagbalingan saka sinaksak ng holdaper.

Maigi nga kamo at hindi masyadong bumaon ang patalim na hawak nito, ngunit hanggang ngayon ay sariwa pa sa isip ng mga biktima ang ginawa ng holdaper.

Nakuha kay Llyod ang cellular phone na nagkakahalaga ng mahigit sa P20,000, samantalang may mga mahahalagang bagay, gamit at pera ring nawala sa ibang pasahero.

Nag-file ng formal complaint ang pamilya Dela Torre sa San Jose PNP at awa ng Diyos, hanggang ngayon ay walang malinaw na development sa naturang kaso.

Hindi kilala ni Joel dela Torre si Col. Palomo.

Pero para po sa kaalaman n’yo Gen. Baccay and Col. Ochave, sirs, ang police visibility po sa San Jose del Monte ay mahina pa rin hanggang ngayon.

Para ngang walang nangyaring holdapan sa lugar ng pinangyarihan ng insidente dahil hanggang ngayon, suwerte nang makakita tayo na may nagpapatrolyang pulis.

Walang pinagbagong pagmamanman na ginawa ang hanay ng kapulisan partikular na sa Minuyan.

Oo pasalamat tayo at wala masyadong nasaktan o namatay nang holdapin si Lloyd, pero aantayin pa ba nating may maganap na madugong krimen?

Col. Palomo, sir, beteranong police reporter po si Joel dela Torre.

Sa history ng pagko-cover namin ng police beat sa Maynila, alam kaagad namin kung matikas ba talaga ang namumuno ng pulisya o hindi.

Ang problema po kasi sa San Jose del Monte, Bulacan ngayon, ang taas na nga ng crime rate sa lungsod, pati ang sumbong ng illegal gambling ay kabi-kabila ang naririnig nating sumbong.

Please naman po, baka puwedeng maging challenge sa inyo na humuli naman ng holdaper at kriminal.

Total, alam naman natin na kaya ninyong gawin iyan, kung gugustuhin n’yo lang.

Mayor Arthur Robes pakimonitor po ang mga pulis n’yo kung nagtatrabaho ba ng maayos o hindi.

Kasi repleksiyon din po iyan ng liderato ng LGU, ng PRO3 at ng Bulacan PNP.