Luis

‘Panalo Stories’ ng mga Pinoy, parte ng 25th year ng Puregold

October 30, 2022 Ian F. Fariñas 371 views

May isang mahalagang layunin ang Puregold sa pagdiriwang ng ika-25 taon sa industriya ng retail: Ibida ang “Panalo Stories” ng mga suki nito — mga Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sinimulan ang pagkamit ng layong ito sa pagbabahagi ng mga kuwento ng apat na sikat na personalidad sa mga larangan ng showbiz, musika at isports. Inanunsyo ng Puregold ang mga bagong endorser sa isang kampanyang pinamagatang Nasa Iyo ang Panalo.

Tampok ang mga video na na ipinapakita ang tinahak ng mga nasabing indibidwal upang marating ang estado ng kanilang mga buhay ngayon, may isang mensaheng isinisiwalat ang mga video na ito: Na maaari ring magwagi sa buhay ang mga Pilipino.

Ani Vincent Co, presidente ng Puregold Price Club, Inc, “Hindi magiging possible ang tagumpay namin kung wala ang aming mga mamimili, ang mga Pilipinong nakasama naming sa pagdaan ng mga taon. Ngayong ika-25 na taon ng Puregold, gusto naming maiparating ang taus-puso naming pasasalamat, at umaasa kaming makikita ng mga Pilipino na posible rin ang tagumpay para sa kanila.”

Isa sa mga bida sa Nasa Iyo ang Panalo si Justin de Dios, mas kilala bilang “Justin,” sub-vocalist at creative lead ng sikat na boy band na SB19.

Isang singer, rapper at aktor, minsan nang nagduda si Justin kung makakamit niya ang tagumpay gamit ang talento sa musika, pero dahil sa determinasyon, naging isa siya sa mga kilalang bituin ngayon ng Philippine Pop.

“May panahong walang gustong makinig sa ’kin, mga panahong gusto ko nang sumuko. Pero hindi ako nagpatalo,” kuwento niya sa video, na sa ngayon ay meron nang 3.9 million views.

Nakita natin sa marami na niyang mga teleserye na hindi lamang magandang mukha si Francine Diaz, kundi mahusay rin sa pag-arte.

Sa Nasa Iyo ang Panalo video, ibinahagi niya na, “May mga iniyakan, pero mas marami akong nilabanan. Ang pagpursige ko, walang cut, dahil alam kong nasa akin ang panalo.”

Dahil inspirasyon niya ang kaniyang pamilya, nakapagpursige si Francine at narating ang kinalalagyan ngayon — isang magaling na aktres na may mga fan na nagmamahal sa kanya at mga nakapilang proyekto at endorsement.

Tampok rin sa Nasa Iyo ang Panalo ang mag-asawang Luis Manzano at Jessy Mendiola.

Sa kanilang video, ibinunyag ng malapit nang maging first-time parents ang pagmamahal bilang pinakamatayog nilang tagumpay, at kung paanong ang kanilang samahan ang nagpapaniwala sa kanilang malalagpasan nila anumang pagsubok ang harapin.

Sabi nila, “Hindi mo kailangang maging mag-isa. May kasama kang sasalubong sa kahit anong ibigay ng tadhana.”

Isang kilalang pangalan sa Tiktok, na napakasikat na plataporma sa social media para sa henerasyong ito, mayroon ding kuwento ng tagumpay si Queenay Mercado, isang influencer, aktres at kilala bilang “Reyna Batangueña ng Tiktokverse.”

Sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga bagay mula sa pinagmulan sa Tiktok, may 12 million followers si Queenay. Pero nananatili siyang lapat sa lupa.

Sabi nga niya, “Isang maliit na boses mula sa malayo… ipinagmalaki ko at ipinarating sa buong bansa, at sa ibang parte ng mundo.”

Mayroon ring kuwento ng determinasyon at pagsusumikap ang pole vaulter at record-holder na si EJ Obiena, na kukumpleto sa anim na tampok sa Nasa Iyo ang Panalo.

AUTHOR PROFILE