Default Thumbnail

Pamimigay ng pera sa 7 probinsiya sa 1 araw ng OVP, DepEd ipinagtaka

November 20, 2024 People's Tonight 89 views

ISANG mambabatas ang nagpahayag ng pagkabahala nitong Miyerkules ukol sa mga rekord ng pamamahagi ng pondo ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd), na parehong pinamumunuan ni Vice President Sara Duterte.

Binanggit niya ang “physical impossibility” ng pamamahagi ng milyon-milyong piso sa iba’t ibang probinsiya sa loob lamang ng isang araw.

Sa pagdinig ng House Blue Ribbon Committee, opisyal na kilala bilang House committee on good government and public accountability, inilahad ni 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez ang mga acknowledgment receipt (AR) na nagpapakita ng kahina-hinalang pattern ng pamamahagi ng mga special disbursing officer (SDO) ng OVP at DepEd kaugnay ng mga confidential at intelligence fund (CIF).

Ibinunyag ni Gutierrez na sina Gina Acosta ng OVP at Edward Fajarda ng DepEd — kapwa itinuturing na mga pinagkakatiwalaang tauhan ni Duterte — ay sinasabing namahagi ng pondo sa iba’t ibang lugar na magkakalayo sa loob ng isang araw.

Hindi pa kailanman dumalo sina Acosta at Fajarda sa anim na pagdinig ng komite. Dahil sa paulit-ulit nilang hindi pagdalo, ipinataw sa kanila ang contempt at inisyu ang mga arrest order laban sa kanila.

Dahil wala ang mga SDO, tinanong ni Gutierrez si Atty. Gloria Camora, pinuno ng Commission on Audit (COA) unit na nagsuri ng CIFs ng OVP at DepEd sa ilalim ng pamumuno ni Duterte.

Binanggit ni Gutierrez ang mga rekord na nagsasabing si Fajarda ay namahagi ng pondo sa pitong lugar sa buong bansa isang araw matapos niyang ma-encash ang isang tsekeng nagkakahalaga ng P37.5 milyon.

“On February 21, 2023, or the very next day after the SDO encashed the P37.5 million in checks, lumabas po sa acknowledgment receipts that SDO Fajarda made seven disbursements already,” ani Gutierrez.

“This is the day after — in seven different locations: Malolos, Davao, San Francisco (Agusan del Sur), Makati City, Negros Oriental, Negros Occidental, and Davao City,” dagdag niya, sabay tanong kung paano ito naging posible.

“The check was issued and encashed in Land Bank under the DepEd branch in Pasig. And immediately the next day, he traveled to these seven places and had these seven ARs. Did this not raise a red flag of the impossibility of this occurring?” tanong ni Gutierrez.

Binanggit din niya ang isang mas matinding halimbawa noong Marso 15, 2023, kung saan sinasabing namahagi si Fajarda ng pondo sa 26 na lugar sa loob lamang ng isang araw — mula Luzon, Visayas hanggang Mindanao.

“On March 15, 2023, SDO Fajarda supposedly made 26 disbursements in the following locations: Davao del Sur, Surigao del Sur, Oriental Mindoro, Laguna, Zamboanga del Sur, Cebu, Ifugao, Antique, Batanes, Pampanga, Legazpi, Lanao del Norte, Batangas, Tarlac, Metro Manila, Samar, Davao de Oro, Agusan del Norte, Cavite, and Surigao del Norte,” saad ni Gutierrez.

“Atty. Camora, even if we gave him (Fajarda) a helicopter, I don’t think he could do that in one day,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin din niya ang kahina-hinalang certifications ni Fajarda sa mga transaksyon. “It really raises the question: How did SDO Fajarda certify and say that he personally disbursed this? From north to south, tip to tip ito ng Pilipinas — may Batanes pa rin po. These are the questions that we have,” wika ni Gutierrez.

Pinuna rin ng mambabatas ang parehong pattern ng pamamahagi sa OVP, partikular noong Disyembre 23, 2022, kung saan sinasabing namahagi si Acosta ng mahigit P15 milyon sa loob ng isang araw sa 103 recipients para sa mga gastusin tulad ng rewards at “purchase of supplies.”

Ayon sa Joint Circular on Confidential Funds, ang mga SDO ay personal na nangangasiwa at naga-account para sa bawat pisong ginagastos.

Gayunman, sinabi ni Gutierrez na malinaw na may mga paglabag at posible umano ang ibang ARs ay gawa-gawa lamang.

Hinamon din niya ang mga notarized certifications na pirmado nina Acosta, Fajarda at Duterte na nagsasabing tama ang paggamit ng pondo — isang bagay na tinawag niyang hindi kapanipaniwala o “implausible.”

Nilinaw din ni Gutierrez na bagama’t may mga detalye tulad ng mga lokasyon ang ARs ng DepEd, ang mga detalyeng ito mismo ang naglantad ng imposibilidad ng iniulat na mga disbursement.

“Unlike the DepEd ARs, ‘yung OVP would only have the name, the purpose, the signature, and the date. That’s it. And the amount,” paliwanag niya.

Gayunpaman, binigyang-diin niya na ang paglalagay ng lokasyon sa DepEd ARs ay nagpakita ng mga logistical impossibilities.

“There is the physical impossibility of the delivery and encashment of the cash. And now even the physical impossibility of the disbursement,” sabi ni Gutierrez.

Nang tanungin kung na-flag ng COA ang mga iregularidad na ito sa kanilang pagsusuri, inamin ni Camora, tagapamuno ng COA unit na nag-audit ng confidential funds, na tinanggap nila ang ARs nang walang masusing pagsusuri.

“Well, it does, sir,” pag-amin ni Camora. “Although during our review, somehow, we just accepted the [ARs].”

Hindi nasiyahan si Gutierrez sa sagot. “If truly SDO certifies that he or she is the only person who has personal knowledge of this disbursement, how do we explain this? It looks like from north to south, tip to tip ito ng Pilipinas,” aniya.

Ayon kay Gutierrez, ang mga anomalyang ito ay nangangailangan ng mas malalim na imbestigasyon. “It really raises the questions on the veracity of the certification,” dagdag niya, habang binibigyang-diin na ang mga ganitong pattern ay paulit-ulit na makikita sa mga rekord.

AUTHOR PROFILE