Pamilya ng napatay sa ‘shoot out’ nagpasaklolo sa Napolcom
PORMAL ng dumulog sa NaPolCom o National Police Commission ang pamilya ng 28 anyos na rent-a-car driver na napatay sa diumano’y buy bust operation na nauwi sa shoot out sa Bgy. Busac, Oas, Albay.
Batay sa liham ni Mrs. Evelyn Bautista, ina ng biktimang si Jose Maria Arvin Samson Bautista na isinumite kay NaPolCom Central Office Director Boyet Evangelista, ay inilahad nito ang mga kaduda-dudang pangyayari o umano’y shoot out na naganap nuong July 20, 2021.
Naniniwala ang pamilya Bautista na rub out at torture ang insidente dahil bukod sa isang tama ng bala sa kaliwang dibdib ay nakitaan din ng mga pasa, gasgas mula ulo hanggang puwet, palo sa likod ng ulo, bakas ng pagkakaposas o tali sa magkabilang kamay ang biktima, na nangangahulugan anya na dinukot at pinahirapan muna ang biktima bago pinatay.
Nabatid na si Bautista ay umalis sa Valenzuela City nuong July 19 at ang paalam sa kanyang maybahay na si April ay may umarkila sa kanya patungo sa Quezon province na one way trip lang dahil hindi na umano kasama pabalik sa Maynila ang dalawang pasahero.
Kinabukasan, July 20, ay nakatanggap ng tawag sa cellphone si Evelyn mula sa nagpakilalang pulis ng Oas, Albay at sinabing kasama ang kanyang anak sa napatay sa umano’y shoot out.
Sa panayam ng media (PTV-4) sa hepe ng Oas Municipal Police Station na si Police Major Jerald John Villafuerte ay diretsahang inamin nito na ang tanging target o subject ng kanilang operation ay si Ramon Mutuc alyas “OMAR” at hindi umano nila alam na may iba pa palang nakasakay sa kotse na kalaunan ay saka pa lamang nila kinilala na sina Bautista at isang Gregorio Garcia Jr. y Mañebo na kapwa nadamay.
Sa Facebook page ng Oas, Albay PNP ay narekober sa lugar ang 350 grams ng hinihinalang shabu at walang nakasulat duon na may nakumpiskang mga baril, pero sa kanilang accomplishent report ay nakasaad na may narekober na isang colt .45 caliber at dalawang .38 caliber pistols.
Iginiit ng pamilya Bautista na inosente ang kanilang kaanak, katunayan ay nakakuha sila ng sertipikasyon mula sa iba’t-ibang kaukulang opisina sa Valenzuela tulad ng barangay clearance, Metropolitan Trial Court, Regional Trial Court at sa VADAC o Valenzuela Drug Abuse Council na walang anumang record na nasangkot si Bautista sa alinmang krimen at wala din ito sa drugs watchlist.
Umaasa naman ang mga naulila na sa pamamagitan nina NaPolCom Commissioner Vitaliano Aguirre II at Director Evangelista na agad iimbestigahan ang pangyayari at didis-armahan at sususpindehin ang lahat ng pulis na kasama sa operasyon habang umuusad ang imbestigasyon, para makamit ang hustisya sa pagpatay kay Bautista.