Default Thumbnail

PAMILYA ‘KINATAY’, SINUNOG

October 11, 2023 Zaida I. Delos Reyes 347 views

LIMANG miyembro ng pamilya ang natagpuang patay sa loob ng nasunog na bahay nitong Martes ng gabi sa Cagayan de Oro City.

Ang mga biktima ay ang mag-asawa at ang mga anak nilang 7-anyos at 4-anyos, at isa pang 25-anyos na babae.

Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), lumiyab ang tahanan ng mga biktima sa Lower Sumpong, Barangay Indahag, Cagayan de Oro City.

Hinala ng Philippine National Police (PNP), pinatay muna ang mga biktima bago sunugin, batay sa mga ebidensyang nakalap sa paligid ng bahay.

Sinabi ni BFP-10 spokesperson Samsun Villarde, hepe ng Kauswagan Fire Station, nakakita ang mga imbestigador ng mga bakas ng dugo sa labas ng bahay ng mga biktima, mga marka ng paa, bakas ng sapatos, mahabang buhok na naiwan sa labas ng bahay at isang galon ng mabahong gasolina na posibleng ginamit sa pagsunog.

May hinala din ang PNP na posibleng buntis ang isa sa mga biktima, ang 25-anyos na babae na katataapos lamang ng kursong Criminology sa Phinma Cagayan de Oro College.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang linaw ang insidente.