QCPD

Pambu-bully naging deadly

November 30, 2022 Melnie Ragasa-limena 554 views

NAG-UGAT umano sa pambu-bully ang nangyaring away sa pagitan ng dalawang grupo ng kabataan na nagresulta sa pagkamatay ng isang 18-anyos na binatilyo habang sugatan ang kanyang kapatid at pinsan sa harap ng paaralan malapit sa SM North, Quezon City, Martes ng gabi.

Ang biktimang nasawi ay nakilalang si Samuel De Villa Aguila,18, kahero, at residente ng 118 Zamboanga St., Pael Compound, Brgy. Culiat. Sugatan ang kapatid niyang si Jimuel De Villa Aguila, 16, at ang pinsan niyang si Jayven De Villa Mavatangay, 24, nakatira sa 49 Rosal St., Brgy. Old Capitol Site, Quezon City.

Nasa kustodya na ng pulisya ang apat na persons-of-interest Child in Conflict with the Law (CICL) at ang mga ito ay nasa edad 15, grade 10; 14, grade 8; 17, grade 11, at 17, grade 10 student.

Ayon sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 6:50 ng gabi (November 29) nang maganap ang rambulan sa Misamis Arcade, SM North EDSA, Misamis Road corner EDSA, Brgy. Sto. Cristo, Bago Bantay.

Batay sa inisyal na imbestigasyon nina PSSg Rhic Roldan Pittong, PSMS Eldin Dino at PCpl Ramon Kristopher Derit, bago nagkaroon ng rambulan ay kasama ng biktima ang kapatid at pinsan at isa pang kaanak sa harap ng San Francisco High School malapit sa SM North.

Sinabing kakausapin lang sana ng pinsan ng 14-anyos na babae ang kasamahan ng mga biktima, pero bigla na lang daw umatake at nambugbog ang mga biktimang nasaksak.

Nabatid na ang pinag-ugatan ng gulo ay ilang beses na raw na binu-bully ng kasamahan ng mga biktima ang 14-anyos na babae.

Hindi pa matukoy ng mga awtoridad kung sino ang sumaksak sa mga biktima at hindi pa rin nabawi ang patalim na ginamit

Naisugod pa sa Quezon City General Hospital ang biktima ngunit binawian ng buhay ang isa kanila habang nilalapatan pa ng lunas ang dalawa pa.

Masusi pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya sa naganap na inisidente.