Broken

Pambababae at panloloko ni Zanjoe, panggigigilan

January 12, 2022 Ian F. Fariñas 224 views

Nagpatikim ang ABS-CBN ng ilang mga eksena ng panggigigilang karakter ni Zanjoe Marudo sa inaabangang drama series na The Broken Marriage Vow, ang Philippine adaptation ng Doctor Foster, kung saan ipinakita ang pambababae at panloloko nito sa asawa at pamilya niya.

Si David Ilustre (Zanjoe) ay isang architect na tila perpektong asawa at ama sa misis niyang si Dra. Jill Ilustre (Jodi Sta. Maria) at sa nag-iisang anak nilang si Gio (Zaijian Jaranilla).

Ngunit sa likod ng pagiging mapagmahal at maalaga ni David sa kanyang pamilya, nakabaon ang kanyang mga kasinungalingan at ang sikreto niyang relasyon sa kabit niyang si Lexy Lucero (Sue Ramirez).

Sa isang eksena kung saan kinompronta ni Jill si David tungkol sa pambababae nito, tahasan itong itinanggi ni David at iginiit ang pagiging tapat niya kay Jill.

“Kaya kitang tingnan sa mata nang diretso. Wala akong ibang babae,” giit ni David kay Jill.

Ipinasilip din sa teaser ang relasyon ni David kay Lexy at ang mga palihim nilang pagkikita. Madamdaming ipinahayag ni David kay Lexy ang kanyang tunay na nararamdaman, “Sa ‘yo ko lang nakikita ‘yung halaga ko. Kung mawala ka sa akin, mamamatay ako.”

Ibinahagi noon ni Zanjoe na inaasahan niyang maaasar ang mga manonood sa karakter niya dahil sa pagtataksil nitong magdudulot ng tensyon sa pagitan ng mga mahal niya sa buhay at siyang magiging dahilan ng pagkawasak ng kanilang pamilya.

Kasama rin sa cast ng The Broken Marriage Vow sina Jane Oineza, Angeli Bayani, Bianca Manalo, Ketchup Eusebio, Rachel Alejandro, Art Acuña, Empress Schuck, Joem Bascon, Brent Manalo, Malou Crisologo, Franco Laurel, Sandino Martin, Lao Rodriguez, Jet Gaitan, Jie Anne Armero, Migs Almendras, Avery Clyde at JB Agustin, kasama ang special participation nina Susan Africa at Ronnie Lazaro.

Kinunan nang buo sa Baguio ang The Broken Marriage Vow sa direksyon nina Concepcion Macatuno at Andoy Ranay.

Una itong mapapanood sa iWantTFC app (iOs at Android) at sa iwanttfc.com sa Enero 22, dalawang araw bago umere sa TV.

Ipapalabas naman ito sa Enero 24, 8:40 p.m., sa Kapamilya Channel, TV5, A2Z, Kapamilya Online Live sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel at Facebook page, iWantTFC at TFC.

AUTHOR PROFILE