Default Thumbnail

Pamamayagpag ng mga “buwitre” nagsimula na naman

June 21, 2023 Edd Reyes 279 views

Edd ReyesMATAPOS ang mahigit dalawang taong pananahimik, buhay na naman ang mga tinaguriang “buwitre” ng Caloocan na walang ginawa kundi ang mag-abang ng patay upang pagkakitaan.

Tinaguriang buwitre ang mga operator ng sugal na sakla dahil noon pa man ay ganito ang kanilang kostumbre na maihahalintulad sa ibong buwitre na naninginain ng bangkay o patay na hayop..

Ang pagkakaiba lang, hindi kinakain ng mga operator ng sakla ang inaabangang patay kundi ito ang kanilang nagiging daan upang huthutin ang salapi ng mga mananaya na ang katuwiran ay upang makatulong sa gastusin sa burol at paglilibing ng pamilya ng namatayan, lalu na ang mga kabilang sa mga maralitang pamilya.

Ibibigay nila ang bahagi ng kikitain sa ilegal na sugal sa pamilya ng namatayan habang ang malaking bahagi siyempre ay sa sarili nilang bulsa.

Kung tutuusin, nakakatulong naman talaga ng malaki sa pamilya ng mga namatayan, ang bahagi ng kikitain ng operator ng saklaan dahil hindi naman talaga biro ang laki ngayon ng gastusin sa serbisyo ng mga punerarya mula sa gagamiting ataul hanggang sa pagpapalibing.

Yun nga lang, mistulang sinisipsip naman ng mga buwitre ang salapi sa bulsa ng mga nahuhumaling sa naturang sugal, lalu na’t hindi naman maikakaila na ugali na ng mga Pinoy ang makipagsapalaran sa sugal lalu na kung malaki ang tama kumpara sa maliit na taya.

Sa sugal na sakla kasi, ang tayang P100 ay tatama ng P180, ang tayang P500 ay tatama naman ng P900 at habang lumalaki ang taya, mas lumalaki rin ang tama kaya marami ang nakikipagsapalaran kahit napakahirap itong tamaan.

Pinayagan kasi noon ng lokal na pamahalaan ang paglalagay ng sakla sa mga burol ng patay upang makatulong sa gastusin ng naulilang pamilya at natigil lamang dahil sa pandemya, lalu na’t bawal noon ang pagsisiksikan.

Ngayong maluwag na ang panuntunan, tulad ng ibong buwitre, ay nagsimula ng maghanap ng mga patay ang mga operator ng sakla, kagaya ng kanilang ginawa nang mapaslang ang tatlo katao sa isang compound sa 1st Avenue noong nakaraang linggo na hindi pa man naibuburol ay umaaligid na at naghahanap na ng puwesto para maglatag ng mesa ng sakla.

Ms, Kyle Nicole Amurao, angkop sa tungkulin bilang DPS-OIC

KAHIT yata anong sipag ng mga tauhan ni Manila Department of Public Service (DPS) Officer-in-Charge Kyle Nicole Amurao sa pagwawalis ng dumi ng mga lansangan sa Maynila, pati na ang pag-aalis ng bara sa mga daluyan ng tubig at paglilinis coastal areas, binabaha pa rin ang ilang mga lansangan kapag bumuhos ang malakas na ulan.

Kahit mabilis humupa ang baha, nakakaperhuwisyo pa rin, hindi lang sa mga motorista at pedestrian, kundi maging sa mga tahanan na pinapasok ng tubig-baha sa tuwing malakas ang buhos ng ulan.

Hindi naman puwedeng isisi sa lokal na pamahalaan ang pagbaha dahil hindi kaila na ang Maynila ay nasa ibaba ng antas ng dagat o below sea level at kung pagbabatayan ang ulat ng Greenpeace East Asia na inilabas noon pang taong 2021, aabot sa 1.54 milyong katao sa Maynila ang maaapektuhan sa sukdulang pagtaas ng antas ng dagat sa taong 2030 kung magtutuloy-tuloy ang tinatawag na greenhouse gas emissions.

Alam ito ng lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Honey Lacuna-Pangan kaya’t tama lang ang pagkakatalaga niya kay Ms. Kyle Amurao na pangalagaan ang kalinisan at kalikasan sa lungsod upang kahit papaano’y makatulong upang mabawasan ang tinatawag na global warming,

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE