Belmonte

Pamamaril sa mediaman kinundina ni Mayor Belmonte

June 30, 2023 Zaida I. Delos Reyes 296 views

KINUNDINA ng Quezon City government sa pamumuno ni Mayor Joy Belmonte ang pamamaril kay photo journalist Joshua Abad at sa kanyang pamilya nitong Huwebes sa Barangay Masambong.

Sinabi ni Belmonte na walang lugar sa lungsod ang karahasan, kasabay ng pangakong gagawin nila ang lahat upang maaresto at mapanagot ang mga salarin.

“Wala pong lugar ang karahasan at pananakot sa Quezon City, maging sa mga miyembro ng media o kahit sino pa man. Titiyakin po namin na mananagot ang mga salarin ng krimeng ito. A full investigation is currently underway, and we are confident that more details will soon lead to rightful arrests,” pahayag ng alkalde.

Bagama’t kampante na ang alkalde dahil nasa maayos nang kalagayan ang mamamahayag, hindi pa rin ito titigil sa paghahabol sa hustisya.

Tiniyak ni Belmonte na mananagot sa batas ang mga nasa likod ng naturang krimen. Inatasan nito ang pamunuan ng Quezon City police na patuloy na busisiin ang kaso at gawing mabilis ang pagaresto sa mga salarin ng pananambang.

Nagpahayag naman ng kalungkutan ang Kapatiran ng mga Mamamahayag sa Pilipinas (KMP) sa naganap na pagatake sa pamilya ng kanilang miyembro at nanawagan sa awtoridad na arestuhin ang mga nasa likod ng krimen.

Ayon kay Rjhay Laurea, pangulo ng KMP, nalulungkot sila sa sinapit ng kanilang kasamahan.

“It is very sad to celebrate our organization’s 13th Founding Anniversary in agony. We condemn the groups behind this latest attack against our fellow mediaman whose primary purpose is to deliver the truth to the public,” pahayag ni Laurea.