Default Thumbnail

Pamamahagi ng regalo sa SCs sa Maynila natapos ng 2 araw

December 16, 2022 Edd Reyes 187 views

SA loob lamang ng dalawang araw, natapos ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang pamamahagi ng mga regalong Pamasko sa may 179,000 mga senior citizen (SC) na residente ng lungsod Huwebes ng hapon.

Personal na pinangasiwaan nina Mayor Maria Shielah “Honey” Lacuna-Pangan at Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto ang pamamahagi ng mga regalong Pamasko sa mga matatanda na kinapapalooban ng kape, tumbler at cookies sa bawat barangay mula sa una hanggang ika-anim na distrito ng lungsod.

“Maligayang-maligaya po kami dahil may Mayora po na nagmamalasakit sa aming mga matatanda, hindi kami pinababayaan,” pahayag ng isang matandang babae mula sa Barangay 389 District 3 sa Sta. Cruz.

Inubos nina Mayor Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo ang buong araw ng Huwebes sa pagpunta sa iba’t-ibang barangay mula sa District 1, 3, at 6 upang pangunahan ang distribusyon ng mga Christmas gift boxes sa mga senior citizen upang matapos na ang pamamahagi nito na nagsimula noong araw ng Miyerkules.

“Kami po ay masaya para sa inyo, sa totoo lang, napaka-spoiled ninyo, spoiled kayo sa amin, ganyan po ka-importante ang mga senior citizen sa Lungsod ng Maynila,” pahayag ng alkalde sa kanyang pagsasalita sa harap ng mga matatandang naninirahan sa Bgy. 394, District 3 na tumanggap ng regalong Pamasko.

“Katulad naming mga senior, siyempre, mahalaga na yung maalala ka ng ibang tao, kaya masaya na kami, gaano man kalaki, gaano man kaliit, pinagpapasalamat namin sa kanya iyon” naluluhang pahayag naman ng isang ginang nang personal na i-abot sa kanya ni Mayor Honey ang regalo.

Bilang tugon, nangako naman ng kauna-unahang babaeng alkalde ng kapitolyo ng bansa na lalo pa nilang pagbubutihin ang kanilang trabaho at gagawin ang lahat upang maipagkaloob ang lahat ng pangangailangan ng mga senior citizen.

“Kami po bilang pangalawang pamilya ninyo, ang inyong pamahalaan, ay sisikaping gawin ang lahat para matugunan namin ang inyong pangangailangan sa abot ng aming makakaya,” pahayag ng alkalde.

AUTHOR PROFILE