Trabaho

Pamahalaan dapat suportahan ang MSME upang masiguro pag-unlad — Trabaho Partylist

December 3, 2024 People's Tonight 259 views

MALIIT man ang mga tinatawag na “Micro, Small or Medium Enterprise” o MSME, malaki naman ang kontribusyon nito sa ekonomiya, lalo na ngayong holiday season.

Kaya naniniwala ang Trabaho Partylist na dapat pagtuunan ng pansin ang tuloy-tuloy na pag-unlad ng mga MSME, ngayong maraming Pilipinong manggagawa na nagsisimula ng mga part-time job at maliliit na negosyo.

Ayon kay Trabaho Partylist spokesperson Atty. Mitchell-David Espiritu, bukod sa pagpasok sa mga iba’t ibang sektor ng industriya tulad ng manufacturing, retail, at service, marami rin aniyang rumaraket na mga manggagawa kapag Pasko at New Year.

Aniya, maliban sa kanilang full-time job, namamasukan din sila sa mga part-time job o kaya ay sumasabak sa entrepreneurship. Kaya iginiit ng tagapagsalita ng Trabaho Partylist na tututukan nila sa Kongreso ang pagpapalakas ng mga oportunidad para sa mga part-time worker at sa mga MSME.

Sa mga naunang pahayag ng Trabaho Partylist, iginiit ng grupo na mahalaga ang pagbibigay ng tamang suporta tulad ng mga pagsasanay at access sa impormasyon sa iba’t ibang industriya, ‘di lang para sa mga part-time worker at maliliit na negosyante.

Malaki aniya ang naitutulong nila sa ekonomiya, kahit pa nakapailalim sila sa itinatawag na “informal sector” ng mga manggagawa, bagay na dapat ding tutukan ng pamahalaan.

AUTHOR PROFILE