
Pamahalaan at demokrasya
MAHALAGA ang pagsasagawa ng mga tapat na survey dahil nagsisilbi itong gabay ng mga lider na tumitimon ng ating gobyerno.
Kasing halaga nito ang pagiging bukas ng ating pangulo at iba pang opisyal ng pamahalaan sa mga sinasaad at ipinahihiwatig ng mga tunay na resulta ng mga maaasahang survey.
Kung tumpak ang datos sa pagsasaliksik at paggrado sa pinakahuling survey ng Pulse Asia, nakatitiyak ang taumbayan na may hakbang ang Pangulo upang pag-ibayuhin ang kampanya ng gobyerno laban sa inflation.
Nauna nang ipinatupad ng Pangulo ang ‘ceiling’ sa presyo ng bigas upang mapigilan ang sobrang pagtaas nito. Ito ay bilang proteksiyon para sa mga mamimili lalu na sa mga mahihirap na Pilipino.
Kasunod nito ay ang pagbibigay ng ‘financial assistance’ o ayuda para naman sa mga maliliit na rice trader na naapektuhan ng ‘price cap’.
Dahil na rin sa direktiba ng Pangulo, kailan lang ay naging sunod-sunod ang ‘raid’ o pagsalakay sa mga ‘rice smuggler’. Naniniwala ang Pangulo na ang mga ito at kasapat na ‘rice hoarder’ ang pangunahing dahilan sa pekeng pagtaas ng presyo ng bigas.
Bago pa man lumabas ang survey, nabanggit na ng pamahalaan ang pagdating ng mga suplay ng bigas mula sa ibang bansa. Ito ay dulot na rin ng kautusan ng Pangulo na pabilisin ang pag-angkat ng bigas.
Kasabay nito ay ang pag-ani ng bigas mula naman sa lokal na produksiyon na inaalalayan ng ating pamahalaan.
Dahil dito, inaasahan ang pagbaba ng presyong ng bigas sa mga susunod na linggo.
Samantala, tulad ng korapsiyon, hindi madaling lutasin ang problema ng smuggling at hoarding ng bigas sa ating bansa lalu na’t nakabaon ang mga ugat nito sa pinakamalalim na sulok ng ating lipunan.
Ang mahalaga ay patuloy ang ating gobyerno sa pakikipagtulungan sa lahat ng sektor upang mapagtagumpayan ang mga hamon na kinakaharap ng mga Pilipino.
Buti na lamang at hindi ningas kugon ang ating pamahalaan sa mga programa nito para sa ikauunlad ng ating bayan.
At lalung hindi balat-sibuyas ang ating Pangulo at iba pang lider ng gobyerno sa tuwing napupuna ang kanilang pamamalakad.
Batid kasi ng pamahalaan ang magandang idinudulot ng demokrasya.
**
For comments, please call or text 09569012811 or email lastmohican2004@yahoo.com