
Palpak na RFID readers ang problema
IBA-IBA ang pagkakaunawa sa pahayag ni Transportation Secretary Vince Dizon na anti-poor ang naunang plano ng mga toll operators na ipatupad ang cashless transaction.
Ang malaking problema natin, iyong mga taong inaasahan nating makakaunawa sa pahayag na ito ay sila pa mismo ang nagbabandera ng mga maling pagkaintindi sa ganitong sinabi ng bagong kalihim.
Simple lang naman ang kanyang pagpapasuspindi sa all out cashless transaction. Una, hindi po lahat ng mga sasakyang dumaraan sa mga expresssway at skyway ay puwedeng sabihing regular o araw-araw at maya’t maya sila gumagamit ng mga tollways.
May iba dyan, minsan lang dumaan, ang iba pa, luluwas dahil emergency, ang iba dyan, nagluwas ng mga inaning kalakal or ang iba dyan, ihahatid sa Maynilla ang mga anak na papasok sa unibersidad na madodormitoryo na lang.
Kaya nga magiging anti-poor kung ang mga itong ay pupuwersahin nating magpadikit ng RFID sticker at mag-load ng hindi bababa sa P500 hanggang P1000 dahil nga sa cashless transaction policy.
Pero hindi lang ito ang isyu, for the sake of argument, sabihin nating 100%, lahat ng mga dumaraan sa mga tollways at skyways at mayroon nang RFID, tanong, 100% din bang gagarantiyan ng toll operators na hindi papalya ang kanilang mga automatic barrier at tataas ito sa kahit anong oras at sa kahit anong pagkakataon?
Ang sagot ay hindi dahil nga, sa sobrang pagtitipid ng mga toll operators, puro low class sensor machine readers ang kanilang inilagay sa mga toll gates kaya nga sa madalas na pagkakataon, ako mismo ang makakapqgpatunay, na hindi tumataas ang kanilang mga toll barrier kahit ang RFID card ko ay kargado ng P3,000 or P5,000.
At kapag hindi binasa ang RFID sticker na sila rin naman ang nagdikit sa headlight or sa windshield, hahanapin nila sa iyo ang card mo na siya nilang babarilin ng sensor gunner. Kung minsan, kahit may sensor gunner, ayaw ding basahin ang card kaya napipilitan silang itaas na rin ang bar ng manual.
Dahil nga madalas ay palpak naman ang mga RFID readers nila, magiging useless kung maging accross the board ay alisin na ang cash transaction tulad ng kanilang plano bago pinigil ni Secretary Dizon.
Ang totoo, sa halip na alisin nyo ang cash transaction, ang magandang ipag-utos ni Secretary Vince ay dagdagan pa nga ang cash transaction booth para talagang may option ang mga motorista na nanghuhula at nakikipagpustahan pa nga kung bubukas ba ang toll bar o hindi sa kanilang pagdaan.
Minsan, halos mabangga ko na nga ang toll bar dahil talagang ayaw bumukas kaya nagiging sanhi pa ako ng trapik sa lugar kaya bubusinahan ako ng mga kasunod kahit hindi naman ako ang may kasalanan.
Kung ako kay Secretary Vince, kapag talagang palaging palpak ang RFID readers sa mga tollways, gayahin niya ang ginawa ni former Valenzuela City Mayor na ngayon ay DSWD Secretary Rex Gatchalian na “barrier up” o wala nang babaan ng toll bar dahil nga naging chaotic at dambuhalang trapik ang dinulot sa lungsod.
Maibabawas naman sa mga may load ang kanilang pagdaan, iyon nga lang, makakalusot ang mga dorobong walang RFID. Problema na ng toll operators iyon kung malugi sila kasi nga ayaw nilang gumastos para sa upgrading ng kanilang sistema.
Pasasalamatan ng mga motorista si Sec Vince kung barrier up na ang magiging general policy sa mga tollways kapag walang pagbabago sa kanilang sistema.