“Palitan Blues” na agad sa Gabinete?

September 29, 2022 Paul M. Gutierrez 108 views

PaulBAGO ang lahat, isa muna ulit na mainit at maingay na pagbati ng ‘Happy Birthday!’ sa aking misis na si Chat, sa kanyang kaarawan ngayong araw, Setyembre 30. May God continue to shower you more with blessings and good health!

And yes, pagbati rin sa kasabay na kaarawan ni NPC Vice President Tina Maralit at belated greet naman sa ating kaibigan na si Ali Atienza sa kanyang kaarawan kahapon.

***

Wala pa siyang dalawang buwan sa puwesto, pero “ramdam” na agad ang mga pagbabago sa pamamalakad sa National Irrigation Administration (NIA) ni dating NPC president, Benny Antiporda.

Aber, noon ngang kasagsagan ng Bagyong Karding, nalaman natin na hindi na umuwi ng bahay si Bentot, agh, Boss Benny, upang personal na mag-monitor sa pagtaas ng tubig baha sa maraming lugar, partikular na sa Northern Luzon.

Dahil sa kanyang ‘timely action’ sa pagpapalabas ng tubig sa mga dam na kontrolado ng NIA, hindi na naging mabilis ang pagtaas ng mga tubig-baha sa mga apektadong lugar na siyempre ay nakatulong upang mabawasan ang pinsala ni Karding sa kabuhayan at buhay ng ating mga kababayan.

Isa pang “naramdaman” na agarang pagbabago sa NIA ay ang pagbibigay ni Admin Benny ng ‘promotion’ sa mga ‘deserving personnel’ ng NIA na ang iba pa nga ay napakatagal nang naglilingkod doon pero mistulang nakalimutang bigyang-pansin ang kanilang mga kontribusyon.

Malaking tulong siyempre ito sa ‘morale’ ng mga empleyado dahil alam na nilang ngayon, hindi na imposible at “pangarap” na lang ang mabigyan ng promotion batay sa merito. Nagbabala rin si Benny na mas “ayaw” niya sa mga empleyadong gumagamit pa ng mga “padrino” at “call a friend” para lang ma-promote.

Aniya, mas mainam na bigyan ng pagkakataon ang sino mang empleyado at opisyal na “umangat” sa serbisyo batay sa kanilang galing, dedikasyon at talino.

Hmm. Sa buong burukrasya ng gobyerno ni PBBM, ilan naman kaya sa mga hinirang niya ang may magandang prinsipyong katulad ni Bentot,, ayy, Benny?

Nalaman pa nga natin na “napikon” si Benny nang malaman na bagaman maraming bakanteng ‘plantilla position’ sa NIA, aba’y ayaw itong “punuan” ng ilang opisyal doon, talaga rin naman, tsk!

Eh, “bawal” na ngayon yan sa NIA, mga bosing, hane?

***

‘For lack of material time,’ ayon kay Senate President Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri, hindi na umabot sa kanilang ‘confirmation hearing’ ang 12 sa mga miyembro ng Gabinete ni PBBM.

Translation? Kailangan ulit silang “bigyan” ng appointment ni PBBM at muling dumaan sa proseso ng ‘CA confirmation.’

Ayon sa mga miron, biglang may nalagay sa “peligro” sa Gabinete ni PBBM dahil ‘andami nga namang puwedeng mangyari sa mga susunod na araw.

Ang nangyaring ‘CA bypass’ din kaya ang dahilan kung bakit biglang “uminit” ang pang-iintriga sa ilang mga Cabinet officials? Dahil mayroong “gusto” na “sumikwat” sa posisyon nila sa Gabinete?

Aber, isa nga sa “napapag-initan” ngayon sa social media ay itong ating kaibigan na si Press Secretary Trixie Angeles! Na kesyo “papalitan” na raw siya ni Mike Toledo, ang ‘last spokesman’ ni Pang. Erap bago siya tinanggal sa poder noong 2001.

Abangan na lang natin, dear readers.

Bagaman, sa 12 Cabinet officials na hindi naaprubahan ng CA, nakatitiyak tayo na isa sa kanila ay papalitan ni PBBM.

Oops! Hindi dahil walang tiwala sa kanya si PBBM o sumabit din sa kontrobersiya.

Ayon sa mga miron, “malubha” na ang sakit na ‘Big C’ ni Mr. Cabinet member kaya kailangan na talaga niyang magpahinga.

Abangan ulit!

AUTHOR PROFILE