Palaboy nawalan Qng malay dedo

September 14, 2022 Jonjon Reyes 85 views

IDINEKLARANG “dead on arrival” sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang isang palaboy sa lansangan, makaraang bumagsak sa semento at mawalan ng malay, gabi ng Martes sa Lope De Vega Street, sa Sta. Cruz, Maynila.

Tinatayang nasa edad 50 hanggang 60 anyos ang biktimang si alyas “Nilo”, na walang permanenteng tirahan sa lungsod.

Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Ramon Czar Solas, bandang 6:00 ng gabi, nang itawag sa kanila ang insidente.

Dahil dito, agad silang nakipag-ugnayan kay P/Lt. Dennis Turla, hepe ng MPD Homicide Section, at rumesponde si Det. Jansen San Pedro upang isagawa ang imbestigasyon.

Ayon sa dalawang testigo na kapwa nito palaboy, isinugod nila sa nasabing pagamutan ang biktima, dahil sa umano’y sa pananakip ng dibdib at hirap ito sa paghinga.

Wala naman nakitang anumang sugat sa katawan ng biktima kaya ipinalalagay na inatake ito sa puso.

Gayunman, ang bangkay ng biktima ay pansamatalang inilagak sa Cruz Funeral Morgue para sa kaukulang awtopsiya.

AUTHOR PROFILE