Palaboy nabangga ng bus sa EDSA, dedo

August 3, 2021 Melnie Ragasa-limena 185 views

NASAWI ang isang palaboy matapos mabangga ng isang pampasaherong bus sa EDSA busway sa Quezon City, Martes ng umaga.

Pinagtulungan pang kunin sa ilalim ng bus ang naipit na biktima na nakilalang si Jonathan Enriquez, 33, isang palaboy subalit binawian din ito ng buhay.

Agad namang naaresto ang suspek na si Soriano Laroga Timoteo, 47, driver ng JELL TRANS INC BUS na may plakang NFZ 4731

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector, bandang alas-8:05 ng umaga (August 3), nang maganap ang aksidente sa kasagsagan ng mataas na volume ng mga sasakyan sa southbound lane ng busway malapit sa Bansalangin Street.

Ayon sa mga tauhan ng Public Order and Safety ng Quezon City Hall, sinabi umano ng driver na biglang sumulpot ang biktima kaya dahil sa kabiglaanan ay hindi na niya nagawa pang mkapagpreno.

Nabatid na ang biktima ay madalas na nakikitang natutulog sa gilid ng busway sa ilalim mismo ng elevated rail ng MRT.

Inihahanda na ang kasong reckless imprudence resulting in homicide sa nasabing bus driver.