Jeric

Pakiusap ni Jeric kay Aljur: Pakasalan mo si AJ

August 24, 2023 Vinia Vivar 248 views

Bilang ama, nais siyempre ni Jeric Raval na pakasalan ni Aljur Abrenica ang anak niyang si AJ Raval.

Ayon sa action star sa panayam ni Boy Abunda, kinausap niya si Aljur tungkol sa relasyon kay AJ at sinabi niya ang kanyang tatlong pakiusap.

“Sabi ko kay Aljur, ‘ikaw ba’y hiwalay?’ ‘Opo.’ ‘Alam mo, tatlong bagay lang ang ipapakiusap ko sa ‘yo. Una, ‘yang anak ko, eh, bata pa ‘yan. Pangalawa, ‘yung biyenan mo (Robin Padilla), kaibigan ko. Eh, ano kayang sasabihin ko sa biyenan mo ‘pag nagkita kami? Baka sabihin, kinukunsinti ko kayo. So, iayos mo ‘yan,’” kwento ni Jeric.

“Sabi ko, ‘iayos mo muna ‘yang sarili mo, iho. Wala naman akong problema sa inyo dahil buhay n’yo ‘yan, eh.’ Pagdating sa buhay pag-ibig ng anak ko, hindi ko na saklaw ‘yun, eh,” dagdag pa ng action star.

At ang pangatlong pakiusap ni Jeric kay Aljur?

“Pangatlo, ang sabi ko sa kanya, ‘ang anak ko, gusto ko pakasalan mo. Basta ‘pag ayos ka na, wala ka nang problema, pakasalan mo ‘yung anak ko,’” pahayag ni Jeric.

Sa ngayon ay hindi pa annulled si Aljur kay Kylie Padilla and as everybody knows ay may dalawa silang anak.

Kamakailan ay inilantad na nga nang buong-buo nina Aljur at AJ ang kanilang relasyon at nilinaw ng sexy actress na hindi siya ang third party sa hiwalayan ng BF at ng misis nito.

Ayon kay AJ, hiwalay na sina Aljur at Kylie nang pumasok siya sa eksena at ibang babae raw ang dahilan ng hiwalayan ng mag-asawa.

AUTHOR PROFILE