Default Thumbnail

Paigtingin pa ang kampanya kontra-droga

June 22, 2021 Paul M. Gutierrez 699 views

PaulNAGING matagumpay ang naging operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) sa pagkakasamsam ng may P258 milyong halaga ng shabu sa Malate, Manila.

Sinasabing isang follow-up operation ito matapos ang pagkakahuli kay Sy Zhunchen sa Paranaque at pagkakasamsam naman ng 155 kilo ng shabu sa Imus, Cavite.

May ilang mga operasyon pa ang naging matagumpay na may kinalaman sa droga. Isang patunay lamang ito na patuloy ang nagiging operasyon ng iligal na droga sa ating bansa.

Kaya naman nakakabahala ito dahil maraming sindikato ang nagsasamantala sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa dahil sa pandemya.

Alam nila na iba ang pokus ngayon ng pamahalaan.

Mabuti na lamang at talaga naman seryoso ang pamahalaan sa patuloy na trabaho na ginagawa ng PDEA at PNP.

Makikita natin ang epektibong liderato ngayon na sa kabila ng kahirapan sa pagkilos at operasyon ng gobyerno gawa ng pandemya ay nagagawa pa rin nilang mapigilan ang operasyon sa droga.

Subalit, alam nating lahat na malayo ito sa kasalukuyang kalagayan ng bansa pagdating sa droga.

Alam nating malalim ang ugat ng droga sa ating bansa.

Kaya naman hindi ito isang proyekto lamang na dapat bigyan ng panahon kung kailan lamang kailangan.

Ito ay tuluy-tuloy at seryosong pagtugon hindi lang dahil ito ang gusto ng Pangulo kundi isang problemang nagpapatuloy at nakakaapekto sa ating lahat.

Naging maganda ang naging simula ng administrasyon sa pagsugpo dito

Nakita natin ang dami ng mga sumuko gayundin ipinakita ng mismong Presidente ang listahan ng mga opisyales na may kinalaman sa droga.

Ipinakita ng administrasyon hindi lamang ang tapang nito kundi ang pagkaseryoso nito pagdating sa paglaban sa droga na walang ibang administrasyon ang gumawa.

Kaya naman muli nating sinasabi na kailangan na muling maging maingay ng Palasyo laban sa droga gaya ng dati.

Alam nating malaki ang kinakaharap ng bansa pagdating sa pandemya at kinakailangan ito ng agarang atensiyon. Subalit hindi dapat masakripisyo ang nasimulan nang paglaban sa droga. Kinakailangan muli ang boses ng Pangulo upang maging prayoridad pa rin ito ng ating pamahalaan.

Hangga’t hindi naibabalik ang pokus ng administrasyon sa pagsugpo sa droga, mananatili ang mga operasyon ng sindikato sa bansa.

Alam nating maaaring hindi matapos ang problema ng droga sa bansa pagkatapos ng kasalukuyang administrasyon subalit magiging sukatan ang termino ni Pangulong Duterte sa sinseridad sa pagsugpo sa droga.

AUTHOR PROFILE

Opinion

SHOW ALL

Calendar