Default Thumbnail

Pahirapan sa directional sign

October 4, 2023 Allan L. Encarnacion 340 views

Allan EncarnacionDITO sa atin, magtataka ka kung bakit ang mga dambuhalang kompanya na pag-aari ng mga bilyunaryong nilalang ay kayang gumawa ng daan-daang bilyong pisong halaga ng kalsada pero hindi kayang magpagawa ng mga mumurahing directional sign.

Sa maraming pagkakataon, madalas nating mapansin ito kahit sa mga basement parking ng mga hotels at mga beach resorts.

Sobrang mahal magpagawa ng mga basement parking, kailangan mo ng daan-daang milyong piso mula sa paghuhuhukay hanggang sa matapos subalit maitatanong mo sa iyong sarili kung saan kaya ang exit nito. Dahil nga, kung hindi man kulang-kulang ang signage, totally ay wala ka talagang makikita direksiyon palabas.

Kung makakita ka man, doon na mismo sa bukana ng direksiyon nakalagay ang exit kahit ang paradahan ay nasa isang libong sasakyan ata.

Palagi natin itong napapansin sa SCTEX, madalas para kang tinamaan ng buwenas kapag nakatagpo ka ng mga directional sign na hindi biglang nawawala.

Halimbawa na lang ay iyong kung galing ka ng Subic, dalawang toll gate sa dulo palabas ang makikita mo doon lang mismo sa ibabaw ng toll booth or dalawang dangkal na lang toll booth na. Iyong kaliwa Gapan-Olongalo Road, iyong kanan, Manila/Clark via SCTEX.

Makikita mo na lang sila sa mismong booth area na pinaghihiwalay ng manipis na border na pagkakamalan mong iisa lang ang direksiyon. Hayun, marami-rami kaming naligaw palabas dahil nga sa mismong booth mo na lang makikita kung saan dapat papasok. Kailangang mag-u-turn ulit ng 5km para maitama ang pagkakamali sa booth.

Ang haba ng nilakbay mula sa Subic exit, nasa 54 kilomweters ata. Sana man lang, kung mga 5km away ka na lang sa toll booth, may mga directional signs na going to Manila/Clark via SCTEX keep right, going to Manila via Gapan-Olongapo Road keep left. Sa malayo kasi dahil nga sa liit ang signage, mapagkakamalan mong iisang toll booth lang iyon at magtatagpo rin sila sa paglabas. Iyon pala, dalawang destinasyon iyon!

Hiindi lang naman sa SCTEX iyon, kahit sa loob ng Subic, ang dami ring nagkakaligaw-ligaw dahil sarado pala ang maraming usual route dulot ng mga road construction. Si waze, ibibigay sa iyo ang mga dating daanan dahil nga hindi naman niya nababasa kung may construction.

Ang panawagan natin kay SBMA Chairman Jonathan Tan, pakilagyan naman ng mga directional sign ang mga rerouting destination para hindi nagkakaligaw-ligaw ang mga nagpupunta dyan. Mabuti na lang at lumamig ang ulo ng mga kasama ko nang makarating kami sa magandang Acea Beach Resorts kasi kung hindi, magra-rally na sila sa harap ng opisina ni Chairman.

Mabuti pa ang Clark talaga kumpara sa Subic. Sa Clark, alam mong mataas ang common sense ng namamahala kasi marami at malalaki ang directorial sign board.

Kahit sa Metro Manila, maraming lugar dito ang nakakaligaw, lalo na iyong mga galing probinsiya or mga galing sa abroad dahil nga sa kakulangan at minsan ay kawalan ng directional signages.

Diyan ko napupuri ang mga bansang Singapore, Hong Kong, Macau at America. Mga higanteng signs ang iyong makikita kahit sa mga maliliit na kalsada kaya smooth ang kalkulasyon mo bago ka pa lumiko. Kumpara sa ibang lugar dito sa atin, iyong hinahanap mong direksiyon, bubulagain ka na lang nasa harapan mo or nalagpasan mo na kasi nga sobrang tipid sa sign.

Kung hindi ito nagagawa ng lahat ng local government, dapat siguro sentralisado na sa MMDA ang pagagawa nito para iisa lang ang disensyo at alam nating isa lang ang accountable.

Talakayin nyo kaya yan sa Metro Manila Council Mayor Francis Zamora para magkaroon namang ng tamang direksiyon ang ating National Capital Region.

Ang pamamahala ng kalsada ay para ring pamamahala ng isang bansa, kung hindi alam ng mga tao ang ating patutunguhan, wala tayong mararating.

[email protected]