Pahirap na ‘wanheltpilipins’
DINALIAN ko lang ang titulo pero actually, One Health Philippines ang gusto kong sabihiin.
Maraming bansa na ang nag-relax ng kanilang mga health protocols, bagama’t dito rin naman sa atin ay ganoon na rin.
Mas madali nang nakakapasok ang mga banyaga para sa turismo. Tayo naman, kapag paalis, hindi na rin masyadong maraming kailangan, maliban na lamang sa tiket at passport.
Iyong pabalik sa ating bansa ang tingin kong kailangang padaliin. Kailan lang, may health protocol pa rin sa pagpasok sa Macau pero self antigen test lang na kukunan mo ng picture tapos may papadalhan ka ng government health website nila, tapos na, lalo kung negative na naman.
Bago ka naman i-book ng airlines kung pabalik ka na, kailangan mong mag-log in sa One Health Philippines para mabigyan ka ng safe health entry sa NAIA.
Wala namang problema sa protocol na ito pero sa tingin ko, over acting sa dami ng mga tanong bago ka mabigyan ng online health pass.
Nasa isang daang tanong ata at katakot-takot na pages ang pabalik-balik sa iyo. Nang mag-fill out kami ng protocol online sa Macau, dalawang tanong lang: kung nagka-COVID ka na at kung ililihim mo ba kapag nagkaroon ka ng impeksiyon habang nasa travel.
Isipin nyong mabuti, dalawang tanong sa Macau vs 100 tanong sa Pilipinas!
Sa tingin natin, dapat magkaroon ng rebisyon sa One Health Philippines, lalo na sa mga frequent travellers. Or halimbawa, minsan ka nang gumamit ng One Health Philippines site, dapat naka-log na ang name mo and other personal details.
Mga basic questions na lang ang kailangan gaya ng date of arrival, flight number at kung ano health conditions.
Ang problema rito, mula sa name, age, sex, address, phone numbers, hanggang doon sa city, municipalities, regions at kung anu-ano pang irrelevant questions na nagpapahirap sa marami nating kababayan.
Matinding pahirap ito, lalo na sa mga hindi naman sanay gumamit ng computer or gadget sa pag-fill out ng mga details. Ang mabigat, konting pagkakamali, kailangan mong umulit sa umpisa. At lalong mabigat ito para sa mga senior citizens na hindi pa nakakita ng online system applications.
Masyado nating pinahihirapan ang ating mga kababayang babalik o nagbabalik-bayan sa ganitong sistema ng One Health Philippines. Kung talagang gamitan lang tayo ng sintido-kumon, name and address at vaccine details lang sana ay okey na. Hindi ko alam kung bakit kulang na lang ay tanungin ang pangalan ng lolo at lola mo at kung kailang sila nagkakilala.
Sa mga turista okey lang kahit isang libong questions pa yan kung talagang gusto nyo silang pahirapan pero tayong mga Pinoy na dito nakatira at magbabalik lang mula sa paglalabay sa ibang bansa, bakit kailangan pang pahirapan?
Uulitin natin, hindi friendly ang paraang ito ng One Health Philippines sa kanyang mga kababayan kaya nanawagan tayo kay Health Acting Secretary Rosario Vergeire na bigyan ng direktiba ang in charge sa One Health Philippines na huwag masyadong overacting sa dami ng tanong!
Hindi po bar exam ang kinukuha naming mga pabalik sa bansa, health entry pass lang po!