Pahirap na domestic travel protocols

January 30, 2022 Allan L. Encarnacion 216 views

Allan EncarnacionTAMA si Economic Adviser Joey Concepcion na alisin na ang masyadong mahigpit na travel protocols sa mga local destination kung gusto nating makabangon ang kabuhayan ng bansa.

Una, wala na nga tayong foreign tourist, hinihigpitan pa natin ang local mobility. Ito iyong mga sangkap para lalong hindi makabawi ang ating ekonomya.

Wala namang masamang ipatupad ang antigen testing sa mga domestic travellers, lalo na kung makikita sa body temperature na may lagnat o nagpapakita ng mga sintomas ng pagkakaroon ng sakit ang isang tao.

Nito lang nakaraang Miyerkules, after almost two years, nakasakay ulit tayo ng eroplano papuntang Bacolod City para sa isang trabaho. Pero bago iyon, kinailangan ko munang mag-online application ng S-Pass o Safety Pass para makapasok ka sa iyong destinasyon.

Bago ang iyong S-Pass application, magpapasailalim ka muna sa RT-PCR test dahil ang resulta ay kasama sa requirements na iyong isa-submit. Bukod dito, magsusumite ka rin ng iyong vax card plus hotel reservation bago ka pa lang makakapagpa-book ng iyong flight.

Ang requirements, dapat 72-hours bago ang flight, negative ka sa RT-PCR test. Nagkataong nasa Tagaytay City ako noong nakaraang weekend kaya doon na ako nagpa-RT-PCR sa Tagaytay Medical Center para sumakto sana sa 72 hours.

Lunes, Jan. 24 sana talaga ang flight ko pero sabi sa TMC, 48 hours pa lalabas ang resulta. Sabado, Jan. 22, ako nagpa-test, meaning, hindi aabot para sa Monday flight kaya ang magiging booking ko na lang ay Wednesday, January 26.

Ang problema, Sabado ng alas-11:27p.m., nag-email na pala ng resulta ang TMC at nabasa ko ang text message tungkol sa email bandang alas-4:30 a.m. na.

Sa madaling salita, kung sinabi talaga ng TMC na same day lalabas ang result or less than 24 hours, nagawa ko sanang Monday ang flight ko.

By the way, mahal din ang RT-PCR, P4,000 plus P350 doctor’s request daw. At ang Manila-Bacolod flight pala ay P15,000 na rin two-way na dating P8 to P10K lang.

Ang naging problema naman, lumagpas sa 72 hours ang RT-PCR result ko kaya kailangan pang tumawag ng PAL sa LGU ng Bacolod bago ako pinayagang makalipad.

Pagka-landing sa airport sa Bacolod, kailangan ko pa rin pala magpa-antigen dahil nga expired ang RT-PCR result ko. Okey naman ang ganitong sistema para din makatiyak sila na walang may sakit na papasok sa kanila. Negative din naman ang resulta kaya lang, iyong lunch sana namin na 2 p.m., naging 3:30 p.m. kaya parang tig-apat na inasal kami sa Chicken House na may grilled bangus pa on the side. Kain walang bukas sa sobrang gutom!

Ang problema lamang, kung ganito ang sistema sa lahat ng lokalidad, talagang hindi uusad ang ating ekonomiya dahil bukod sa mahal na RT-PCR, mahal ang tiket sa eroplano, may mga hassle din sa paglalakbay. Buwenas lang kasi libre ang antigen ng LGU.

Apat kaming pumasok sa Bacolod, ang average spending namin bawat isa ay lumalabas na tig-P20K kami, kasama na ang overnight stay sa hotel, sasakyan at gasolina, dinner and lunch, pasalubong pabalik Manila at mga tip sa waiters. Hindi pa kasali rito ang eroplano at RT-PCR test.

May kontribusyon kaming P80,000 sa ekonomiya ng Bacolod City. Kung aalisin na ang magastos at mahirap na protocols basta may antigen lang sa mga may sakit or hinalang may sakit, mas mabilis na makakabangon ang ating local economy.

Magtulung-tulong tayong palakasin ang kabuhayan saan mang panig ng bansa sa pamamagitan ng mas maluwag at vibrant domestic tourism.

allanpunglo@gmail.com