Pahinante ng truck, patay sa bigti

January 27, 2022 Edd Reyes 104 views

WALA ng buhay ang isang pahinante ng isang trucking company nang matagpuang nakabitin sa loob ng banyo ng pinapasukang kompanya, Miyerkules ng hapon sa Navotas City.

Nadiskubre na lamang ang bangkay ng lalaking biktima na residente ng Borol 1st Divine Grace, Balagtas, Bulacan sa loob ng banyo ng Dennis Trucking Services sa Escoda St. Brgy. San Rafael Village nang puwersahang buksan ng kanyang mga kasamahang sina Daniel Abellera, 40, driver at Michael Parena, 42, pahinante ang nakakandadong pintuan dakong alas-2:10 ng hapon.

Sa ulat na isinumite ni Homicide Investigator P/Cpl. Billy Godfrey Aparicio kay Navotas Police Chief P/Col. Dexter Ollaging, kararating lamang nina Abellera at Parena sa garahe ng trucking company mula sa kanilang biyahe sa Sucat, Paranaque nang makaramdam ng panunubig ang una kaya’t pagbaba ng trak ay nagtungo kaagad sa banyo.

Gayunman, hindi siya makapasok dahil nakakandado mula sa loob ang pinto kaya’t sunod-sunod ang ginawa niyang pagkatok subalit walang sumasagot.

Dito na tinawag ni Abellera ang pahinanteng si Parena upang tulungan siyang puwersahing buksan ang pintuan gamit ang isang bakal at laking gulat nila nang makitang nakabitin ang biktima gamit ang lubid na ginagamit na panali sa kargamento ng trak.

Pinagtulungang ibaba ng dalawa ang nakabiting katawan ng kasamahan at tinangkang sagipin pa sa kamatayan subalit huli na dahil wala ng pulso ang biktima kaya’t ipinagbigay alam na nila sa mga opisyal ng barangay na sila namang tumawag sa Sub-Station 4 ng Navotas police.

Hindi pa matukoy ang dahilan ng pagpapakamatay ng lalaki at hihintayin pa ang resulta ng isinagawang pag-autopsiya sa kanyang bangkay upang alamin kung may naganap na foul play sa naturang insidente.

AUTHOR PROFILE