Default Thumbnail

Pagupo ni P/BGen. Paul Kenneth Lucas bilang hepe ng PRO-4, pinuri

October 4, 2023 Edd Reyes 361 views

Edd ReyesUMANI ng positibong reaksiyon, hindi lang sa hanay ng pulisya sa Police Regional Office (PRO) 4 o Calabarzon, kundi maging sa mga matataas na opisyal ng mga lalawigang nasasakupan ng rehiyon ang pagkakatalaga bilang Director ni P/BGen. Paul Kenneth Lucas kapalit ni outgoing Director P/BGen. Carlito Gaces.

Hindi kasi matatawaran ang kakayahan ni BGen. Lucas na pamunuan ang PRO-4 na kadalasang nahahagip ng pagbatikos dahil malawak na ang ang kanyang karanasan mula pa sa pagiging Director ng Iloilo Police Provincial Office noong taong 2020 hanggang pamunuan ang PNP Firearms and Explosives Office kaya kumpiyansa ang mga opisyal ng mga lokal na pamahalaan sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas at Quezon, na magagabayan niyang mabuti ang mga Provincial Police Director upang mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa bawa’t lungsod at munisipalidad.

Naniniwala ang mga miron na hindi makakalusot kay BGen. Lucas ang mga taong gagamit sa kanyang pangalan ngayong Director siya ng PRO 4 para lang kumita ng salapi dahil nangyari na ito sa kanya noong Provincial Director ng Iloilo kung saan nagamit ang pangalan niya sa panghihingi ng salapi sa mga alkalde at negosyante na kaagad niyang nabuko.

Kung programa at proyekto naman ang pag-uusapan, malawak mag-isip ang Heneral at patunay ang inilunsad niyang bagong Online System sa mga naga-apply at nagpapa-renew ng lisensiya sa pagkakaroon ng baril na dahilan upang maging madali na sa mga lehitimong gun owners ang pag-renew, pagkuha ng lisensiya at permiso sa pagkakaroon ng armas.

Sa pag-upo ni BGen. Lucas sa PRO-4, umaasa ang mga taga-Calabarzon na matutuldukan na ang pamamayagpag ng mga ilegal na aktibidad ng mga operator ng ilegal na sugal na hindi nasawata sa kabila ng ipinaiiral na one-strike-policy ni PNP chief P/Gen. Benjamin Acorda, Jr.

Sabi ni BGen. Lucas, maraming hamon ang kinakaharap ng kapulisan subalit kaya nila itong lagpasan sa paamagitan ng pagkakaisa at kolektibong aksiyon upang mapanatiling ligtas ang bawa’t komunidad.

Sa Oktubre 15 pa sana ang opisyal na pagreretiro ni BGen. Gaces pero napaaga ang paglisan niya sa puwesto kaya hindi maalis sa isipan ng marami na may dahilan kaya napaaga ang pagpapalit ng liderato

Kung sabagay, nangyayari naman talaga ang maagang paglisan sa puwesto ng ilang opisyal kahit walang kontrobersiya, dahil kailangan nilang umubos ng panahon sa paglalakad ng mga dokumento upang mabilis na matanggap ang kanilang benepisyo.

4th batch ng Navotas solo parents, tumanggap ng tulong pinansiyal

TULOY pa rin ang programang “Saya All, Angat All Tulong Pinansiyal” para sa mga solo parents na sinimulan noong panahon ng pandemya matapos ipamahagi nito lang nakalipas na linggo sa mga kuwalipikadong solo parents ang tulong pinansiya.

May 220 Navoteños ang tumanggap ng tig-P2,000 makaraang maberipika ang kanilang aplikasyon habang ang iba naman ay nakapag-renew na ng kanilang ID card.

Sabi nga ni Mayor John Rey Tiangco, maraming pagsubok ang pinagdaraanan ng mga solong magulang sa pagpapalaki ng kanilang anak kaya nais nilang matiyak na maipagkakaloob ng mga ito ang pangangailangan ng kanilang mga anak lalu na sa panahon ng pangangailangan,

Hinimok pa nga ng alkalde ang iba pang Navoteño solo parents na magpa-rehistro sa lokal na social welfare office upang mapabilang sa programa.

Bukod dito, ipinasa rin ng Konseho ng lungsod ang City Ordinance No. 2019-17 na nagkakaloob sa mga maralitang solo parents ng P1,000 educational assistance kada taon.

Noon kasing kinatawan pa ng Mababang Kapulugan si Mayor Tiangco, kabilang siya sa umakda ng batas, kasama ang panukala ring batas ng Senado, na magpapalakas sa Republic Act 11861 o ang Expanded Solo Parents Welfare Act na magkakaloob ng karagdagang benepisyo sa mga solo parents, kabilang ang P1,000 buwanang subsidy, 10% discount at VAT exemption, 7-day parental leave with pay, priority sa scholarship programs at automatikong miyembro ng Philhealth.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE