Default Thumbnail

Pagtayo ng 5 military facilities sa PH tinutulan

December 18, 2022 People's Tonight 208 views

TINUTULAN ng grupo ng mga analysts, kabilang ang dating National Defense Security Adviser ang panukala ng Estados Unidos na magtayo ng limang pasilidad ng militar sa Pilipinas sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Sa nakalipas na pulong-balitaan kamakailan sa Kamuning Bakery Café sa Quezon City, nanawagan ang grupong kinabibilangan nina dating National Security Adviser Gen. Victor Corpus, dating Education Secretary at tagapagtatag ng Katipunan ng Demokratikong Pilipino (KDP) Butch Valdes, Philippines Asian Century Strategic Studies (PACSS) vice-president Prof. Anna Malindog-Uy, PACSS president Herman Laurel at ekonomistang si Wilson Lee Flores sa pamahalaan at sa sambayanan na tutulan ang panukala ng Estados Unidos na makapagtayo ng pasilidad militar.

Naniniwala sina Corpus at Valdez, maging si Malindog-Uy, na lilikha lamang ng panganib sa seguridad ng bansa ang panukala lalu na’t may umiiral na tunggaliang political geography ang Amerika sa ilang bansa tulad ng China, Russia, at North Korea na pawang may kakayahang magpakawala ng missile sa mga pasilidad militar ng Estados Unidos.

Ipinunto pa nila ang Taiwan, na pinakamalapit sa ating bansa ay posibleng maging panganib sa tunggalian ng makapangyarihang mga bansa. Mas kailangan anila ang pangmatagalang pagtatatag ng malakas na ekonomiya at kapayapaan sa Asean region at hindi ang paigtingin pa ang tensiyon.

Inulit naman ni Laurel ang naging pahayag noon ng namayapang si Senator Miriam Defensor-Santiago na ang Visiting Forces Agreement at EDCA ay ilegal at lumalabag sa Saligang Batas ng Pilipinas na nagbabawal sa pananatili ng mga banyagang military sa bansa.

Idinugtong naman ni Valdes na dapat panindigan ng Pilipinas at Asean ang hindi pagsuporta sa alinmang makapangyarihang bansa na makakatulong upang mapanatili ang kapayapaan sa buong rehiyon.

Dugtong naman ni Flores, sa halip anyang pahintulutan ang mungkahi ng Estados Unidos para sa pagtatayo ng limang EDCA military bases, dapat ay tumutok na lamang sa pag-iimbita sa Amerika, China at Japan na mamuhunan sa industriya ng bansa at palakasin na lamang ang sariling depensang militar.

Nauna rito’y kinumpirma na rin ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Lt. Gen. Bartolome Vicente Bacarro ang mungkahi sa proyekto ng EDCA sa pagtatayo ng limang pasilidad military kabilang ang dalawa sa Cagayan at tig-iisa sa Palawan, Zambales at Isabela..

Gayunman, wala pa aniya itong katiyakan dahil kinakailangan pa ang pag-aproba rito ng Department of National Defense (DND) at Department of Foreigh Affairs (DFA).

AUTHOR PROFILE