Joey

Pagtatampo at pakikipag-ayos kay Toni, ibinuking ni Joey!

December 12, 2022 Ian F. Fariñas 318 views

WALANG kagatul-gatol at diretsahang inamin ng film/TV icon na si Joey de Leon na nagtampo siya kay Toni Gonzaga nang layasan nito ang Eat Bulaga para lumipat sa ABS-CBN ilang taon na ang nakakaraan.

Ginawa ni Tito Joey ang deklarasyon kahapon sa grand mediacon ng 2022 Metro Manila Film Festival (MMFF) entry nila ni Toni na My Teacher na dinirek ng mister nitong si Paul Soriano para sa Ten17 at TinCan Productions.

Anang ace comedian-TV host, “Wala, eh, baby namin ‘to, eh. So, wala. Hindi mo naman… selfish lang kami noon, pero good for her. Natutuwa kami sa nangyari. ‘Yun lang. Nakikita ko naman ‘to, eh.

“So, masaya ako sa sinapit ni Celestine (tunay na pangalan ni Toni),” dagdag pa niya sabay biro ng, “Buti napangasawa mo si Paul, ‘di ba? Sipsip sa direktor!”

Patuloy na kwento nina Tito Joey at Toni, hindi nila makakalimutan ang panahong tinawagan ng una ang huli para imbitahin sa kanilang bahay sa kanyang kaarawan.

That time, mag-boyfriend pa lang daw sina Toni at Direk Paul.

“In-invite niya kami, dinner,” sambit ni Toni.

“’Yung upuan nating dalawa, ‘di ko pinatanggal, nag-renovate na kami, nandu’n pa rin,” natatawang hirit naman ni Tito Joey.

Ipinagtanggol din ng screen veteran ang mag-asawang Toni at Direk Paul sa mga lumabas na artikulo kung saan sinabi ng direktor na isa ang misis niya sa maituturing na most powerful personalities sa bansa.

Ani Tito Joey, “Ang sinasabi ni Paul du’n sa kabuuan, sabi niya, equally powerful ‘yung mga tumitira rito kay Toni. Pero, hindi naman ito nagre-react, hindi natitinag, so powerful ‘to, mas powerful ‘to kasi ‘di niya pinapansin, eh. ‘Yun ‘yon.”

Ipinaliwanag din ng komedyante ang pagpayag niyang gawin ang My Teacher para sa MMFF.

Ayon sa kanya, patung-patong ang offers sa kanya na gumawa ng filmfest entry at isa na nga rito ang alok ng mag-asawang Toni at Direk Paul.

Dahil nabalitaan daw niya na hindi gagawa ng entry ang matalik na kaibigan at kapwa-Eat Bulaga host na si Vic Sotto, nanghinayang siya kaya pinili niyang gawin at ituloy ang My Teacher.

“Hindi na ako nagpepelikula, eh. Semi-retired na ako. So, ‘yun ang istorya. Saka maganda ‘yung istorya ni Paul saka ni Toni. Medyo madrama pero medyo pinipilit kong… binigyan ako ng free hand ni Direk na sumundot sa… hindi ko matiis na hindi magpatawa, eh. So, may mga eksena du’n na pinayagan ako niya. Saka lulusot naman na hindi masyadong seryoso para kumpleto.

Kumpleto ‘yung pelikula, eh. Saka na-miss ko ‘yung Iskul Bukol (sitcom ng TVJ noong late ‘70s-’80s), tungkol sa school ‘to. Eh, na-miss ko rin si Miss Tapia (karakter ni Mely Tagasa sa Iskul Bukol), Miss Toni naman ngayon.

“Basta ganu’n, ayoko ikwento ‘yung istorya. Tapos kasama ko ‘yung mga kabataan. Sanay ako na may mga bata kahit na medyo malayo ‘yung edad ko dahil sa Eat Bulaga, ganu’n kami, eh. Kaya tumatagal ang Eat Bulaga, laging may youth na ini-inject. From Raizza to Maine, sina Maja. So, at home ako. Natapos ‘yung movie. Medyo masakit gumising sa umaga, pero nakaraos at sana’y tangkilikin n’yo. Hindi lang ‘yon kundi lahat ng pelikulang kasama sa MMFF,” diin ni Tito Joey.

Kasama rin sa cast ng My Teacher sina Loisa Andalio, Ronnie Alonte, Carmi Martin, Pauline Mendoza at marami pang iba.

Mapapanood ito sa mga sinehan simula December 25.

AUTHOR PROFILE